top of page
Search
BULGAR

Tulong sa mga biktima ng sunog at bagyo

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 26, 2022


Personal nating tinungo kahapon ang mga kababayan naging biktima ng grabeng pagbaha at landslide makaraang hagupitin ng Bagyong Neneng ang lalawigan ng Cagayan noong nakaraang araw ng Linggo upang dalhan ng tulong.


Ayon sa ulat ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) umabot sa 2,003 pamilya ang naapektuhan samantalang nasa 6,911 katao naman ang nagsilikas at kasalukuyang nasa evacuation centers.


Dobleng hirap ang naranasan ng ating mga kababayan sa Cagayan dahil marami sa kanila ang ilang araw ng nasa evacuation area dahil una na silang sinalanta ng Bagyong Maymay, tapos ilang araw lang ang lumipas ay hinagupit naman sila ng Bagyong Neneng.


Isipin n’yo na lang na umabot sa 19 kaso ng pagbaha at landslide ang naganap sa iba’t ibang bahagi ng Cagayan na halos magpatigil sa kabuhayan ng mga residente na hanggang ngayon ay hindi pa tuluyang nakakabangon.


Kahapon bandang alas-7:30 pa lamang ng umaga ay lumapag na kami kasama ang aking staff sa Cagayan North International Airport sa bayan ng La-Lo bitbit ang aming mga ibinastang Family Food Packs at relief packs bago kami sinalubong ni Cagayan Vice-Governor Boy Vargas.


Si Vice-Gov. Vargas ang personal na sumama sa amin sa mga bayan-bayan na binigyan namin ng tulong dahil mas higit siyang nakakaalam kung anong bayan sa kanyang nasasakupan ang higit na nasalanta ng dalawang magkasunod na bagyo.


Una naming pinuntahan ang bayan ng Sta. Ana at doon ay dinatnan namin ang napakarami nating kababayan na naghihintay sa Bgy. Casambalangan Gym na isa-isa nating binigyan ng Family Food Packs at inalalayan kami ng kanilang Mayor na si Nelson Robinion.


Bandang alas-10: 00 ng umaga ay nagtungo naman kami sa bayan ng Calamaniugan at dinatnan namin ang mga tao sa Calamaniugan National High School Gym kasama si Mayor Isidro Cabaddu at Vice-Mayor Jamuel Rosario na tumulong sa pamamahagi ng Family Food Packs at relief packs.


Pagkatapos ay nagtungo kami sa Calamaniugan Elementary School sa Bgy. Zeminila dahil naghanda ng aming tanghalian si Vice-Gov. Vargas at Vice-Mayor Rosario kung saan doon kami kumain dahil lubog pa umano sa baha ang mga restaurant sa naturang lugar.


Matapos kumain ay nagtungo kami bayan ng Aparri, bandang ala-1: 00 ng hapon at inalalayan naman kami ng kanilang Mayor na si Bryan Dale Chan at nagtungo kami sa Bgy. Bangag Gymnasium at doon ay muli kaming namahagi ng Family Food Packs sa mga taong tuwang-tuwa sa aming pagdating.


Halos hapon nang sapitin namin ang bayan ng Allacapan at doon ay sinamahan naman kami ng kanilang Mayor na si Harry Florida at nagtungo kami sa kanilang Municipal Gym at doon ay nagpapalakpakan ang mga tao habang namamahagi kami ng relief packs at Family Food Packs.


Nakakagaan ng dibdib na makitang natutulungan natin ang ating mga kababayan, ngunit medyo hirap tayong kumilos dahil apektado rin ako ng mga kababayan nating naging biktima naman ng sunog na pinuntahan din namin noong nakaraang araw ng Linggo.


Sabi nga manakawan ka na ng ilang beses huwag ka lamang masunugan, tulad ng nangyari sa Damata Letre, Barangay Tonsuya, Malabon City kung saan 168 pamilya at 608 indibidwal ang naapektuhan.


Ang sunog ay naganap noong Oktubre 16, bandang ala-1:50 ng umaga at naapula ng bandang alas-5:42 ng umaga ay inabot ng ikatlong alarma at umabot sa 140 pamilya ang nawalan ng tirahan samantalang nasa 28 ang hindi naman natupok ng tuluyan.


Dahil dito ay agad kaming nagtungo sa lugar na nasasakupan ni Bgy. Capt. Jennifer Loquez at sinamahan naman ako Kapitana Angelica dela Cruz na isa ring artista na tumulong sa pamamahagi ng family food packs at relief packs na dala ng aming grupo.


Mainit ang naging pagtanggap sa atin ng mga taga-Malabon at kahit may mga lumuluha dahil sa kanilang naranasan ay kitang-kita rin sa kanilang ngiti ang pasasalamat dahil hindi natin sila nakaligtaang dalhan ng tulong.


Matapos kong mamahagi ng tulong ay binigyan ako ng pagkakataong magsalita dahil bakas na bakas sa mata ng mga tao ang tila nawalan na ng tiwala sa sarili na may pakiramdam pang tila pinabayaan na ng Langit.


Kaya sinabi ko sa kanilang lahat na seryosong nakikinig na kaya ako nagtungo sa kanilang lugar ay para maghatid ng tulong at tingnan ang kalagayan ng bawat isa sa kanila, at hindi ko sila kinalimutan dahil hindi nila ako kinakalimutan at pinababayaan kahit kailan.


Dahil naramdaman ko ang kawalan ng pag-asa ng bawat isang nasununugan ay sinabi ko pang “Lahat ng pagsubok ay kaya natin, dahil hindi ‘yan ibibigay ng Diyos kung hindi natin kaya, ang importante ay buhay tayo, malakas ang ating pamilya, hindi tayo nagkakasakit—‘yan ang pinakaimportante”.


Kasunod noon ay narinig ko na lamang ang palakpakan na kahit paano ay naitaas natin ang moral ng mga nasunugan dahil sa ganitong pagkakataon ay hindi lamang pagkain at materyal na bagay ang kanilang kailangan kung hindi pagmamahal.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page