ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | March 2, 2021
Mariing hinihimok ng inyong lingkod ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bilisan na ang pamamahagi ng ayudang inilaan ng Bayanihan to Recover As One Act (Republic Act No. 11494) o Bayanihan 2 sa mga guro at non-teaching staff na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Bakit inabot ng ganitong katagal ang ayuda para sa mga guro? Ito ang ating katanungan sa nagdaang pagdinig ng Committee on Basic Education, Arts and Culture na pinamumunuan ng inyong lingkod sa Senado.
Alam naman nating itong ayuda na nakalaan sa ilalim ng Bayanihan 2 ay matagal nang hinihintay ng mga guro at non-teaching personnel na nawalan ng trabaho. Ngayong patuloy pa rin ang mga tinatanggal sa maraming opisina at mayroon nang bagong variant ang COVID-19, marapat lamang talagang maipaabot na sa kanila ang ayudang matagal nang ipinangakong magpapaluwag sa kanilang mga pasanin.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 na nilagdaan noong Setyembre 2020, may P300 milyon na nakalaan bilang one-time cash assistance sa mga teaching at non-teaching personnel sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya, high school at kolehiyo. Kasama rin sa mga mabibigyan ng ayuda ang mga part-time na guro sa mga state universities and colleges (SUCs) na nawalan ng trabaho o kaya ay hindi nakatanggap ng kanilang sahod mula nang magpatupad ng lockdown measures dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa basic education sector, mahigit 4,000 ang gurong naapektuhan ng nasuspindeng operasyon sa halos 900 na pribadong paaralan, ayon sa ulat ng Department of Education (DepEd) noong Setyembre 2020. Matatandaan naman noong Mayo 2020 na iniulat ng Commission on Higher Education (CHED) na may 50,000 na part-time lecturers sa mga pribadong kolehiyo at mga pamantasan ang nagsimulang mangailangan din ng tulong pinansyal mula nang tumama sa bansa ang pandemya— ito ay dahil nagtatrabaho sila sa ilalim ng “no work, no pay basis.”
Aminado naman tayo na hindi sapat ang pondo upang maibsan ang pasanin ng mga guro at mga non-teaching staff na nawalan ng trabaho. Pero sa kabila ng sitwasyong ito ay nais nating paalalahanan at himukin ang DOLE na makipagtulungan sa DepEd at CHED na gawin nang pinal ang mga pamantayan sa pagpapamahagi ng ayuda. Umaasa tayong maiiwasan na ang kaparehong suliraning naranasan noong unang nagpamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Palagi nating binibigyang-diin na dapat patuloy na tinututukan ang sektor ng edukasyon ngayong panahon dahil isa ito sa mga pinaka-apektado ng COVID-19. Dapat maayos na ito sa lalong madaling panahon upang hindi na magbunga ng mas malaki pang mga suliranin.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments