ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 21, 2021
Marami sa ating mga kabataang mag-aaral ang matagal nang naghihintay ng tulong-pinansiyal dahil sa suliraning dulot ng pandemya ng COVID-19. Walang duda, kailangang mabigyan natin ng prayoridad ang mabilis na pagpapamahagi ng ayuda para makausad at matutukan na nila ang kanilang pag-aaral.
Kaya bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay mariing hinihimok ng inyong lingkod ang Department of Education (DepEd) na pabilisin ang paglabas at pagpapamahagi ng ayudang inilaan ng extended Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 (Republic Act No. 11494) sa mga kuwalipikadong mag-aaral ng basic education.
Kamakailan ay ipinamahagi na ng Commission on Higher Education (CHED) ang ayudang nagkakahalaga ng P5, 000 sa halos 55, 000 na mag-aaral sa mga pribadong kolehiyo na may hindi pa nababayarang tuition at miscellaneous fees. Ang ayudang ito ay ipinamahagi sa ilalim ng Bayanihan 2 for Higher Education Tulong Program (B2HELP) na may pondong P300 milyon.
Naglaan ang Bayanihan 2 ng ayuda sa mga kuwalipikadong mag-aaral mula sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya, high school at kolehiyo na nangangailangan ng tulong-pinansiyal dahil sa pinsalang idinulot ng pandemya sa mga trabaho at ekonomiya.
Ang mga kuwalipikadong mag-aaral na ito ay iyong mga hindi bahagi ng Education Service Contracting (ESC) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na “Listahan,” Senior High School Voucher Program (SHS VP) at ang Tertiary Education Subsidy (TES). Sa ilalim ng Bayanihan 2, ang matatanggap na ayuda ay maaaring gamiting pambayad sa hindi pa nababayarang tuition para sa school year (SY) 2019-2020 o para sa pambayad ng tuition sa SY 2020-2021.
Base sa website ng Department of Budget and Management (DBM) ay aprubado na noong Disyembre 18, 2020 ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa P300 milyong pondo para sa ayudang ito.
Sa mga hindi inaasahang pagkakataon tulad na lang ng ating sitwasyon ngayon, wala nang sapat na oras para magpatumpik-tumpik pa. Malaking ginhawa ang maitutulong ng ayudang ito sa mga kabataan at kanilang pamilya na lubos na apektado ng pandemya. Dinggin natin ang kanilang pangangailangan sa lalong madaling panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments