Tulong-pinansiyal ng gobyerno, aarangkada na!
- BULGAR
- Aug 12, 2021
- 2 min read
ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 12, 2021
Lockdown na naman tayo. Alam naman nating maganda ang purpose nito laban sa banta ng Delta variant. Pero tulad ng dati, epekto rin nito ang dagdag-pahirap sa bulsa ng ating mga kababayan, at puwede ring panibagong kawalan ng trabaho.
At saludo tayo sa pamahalaan dahil nalaanan ng pondo at sinigurong ibibigay na ang cash na ayuda sa ating mga kababayan. Batid naman nating mabilis maubos ang pera kaya pag naubos na ito, balik sa pagiging "nganga" ang ating mga kababayan.
Hirit natin nga, trabaho ang isunod na ayuda na pangmatagalan at mas produktibo. Hirap na hirap ang ating mga kababayan na maghanap ng mapapasukan ngayong may pandemya.
Lampas tatlong milyong Pinoy ang jobless pa rin, at ngayong may lockdown ulit, hindi malayong muling madagdagan ang mga walang trabaho.
Hinihirit din nating kung puwedeng pag-isahin ang pamamahagi ng ayuda sa pagre-recruit ng mga manggagawa. IMEEsolusyon naman sa hirap ng paghahanap sa trabaho ang inihain natin noon pang nakaraang taon ang Senate Bill 1590 o TROPA Bill (Trabaho sa Oras ng Pandemya Act).
Sa ilalim ng TROPA bill, pag-iisahin ang kalat-kalat na legislative measures sa mga subsidiya sa suweldo at cash-for-work program para sa mga skilled at unskilled workers sa buong panahon ng pandemya.
Maraming trabaho ang puwedeng malikha sa mga tanggapan at project sites ng gobyerno, o sa anumang programa ng pamahalaan na may kinalaman sa mga infrastracture projects, sa kalusugan, paglilinis at pangangalaga sa kalikasan. Puwede rin sa mga pag-aaring imprastruktura ng gobyerno, reforestation, flood control, mga conservation project, pagpapaganda ng mga national park, mga kagubatan, at mga historical site sa bansa.
'Yung bilyun-bilyong cash na ayuda, dapat palawakin ang mga cash-for-work program ng DOLE para sa formal at informal workers sa ilalim ng CAMP (COVID-19 Adjustment Measures Program) at TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program). Meron ding mga cash-for-work programs ang DPWH at DSWD.
Kapag naisaayos ang mga imprastruktura, manumbalik ang foreign investment at turismo na puwede ring makadagdag pa ng trabaho sa ating mga kababayan, 'di ba!
Comments