top of page
Search
BULGAR

Tulong-pinansiyal na pautang ng SSS sa miyembrong may pinapaaral

@Buti na lang may SSS | October 31, 2021



Dear SSS,


College student ako ngayon at kasalukuyang naghahanap ng scholarship. Dati akong nagtatrabaho sa iba’t ibang fast food company. Mayroon bang scholarship na ibinibigay ang SSS? – Laila ng Caloocan City


Sagot

Mabuting araw sa iyo, Laila!


Ikinalulungkot naming ipaalam sa iyo na kasalukuyan ay walang scholarship program ang SSS.


Subalit, ang magandang balita ay nagbibigay ito ng educational loan sa mga miyembro nito. Ito ay ang Educational Assistance Loan Program (EALP) na naglalayong mapagkalooban ng tulong-pinansiyal ang mga benepisaryo ng aming mga miyembro hinggil sa gastusin nila sa pag-aaral.


Inilunsad ang programa noong 2012 sa pakikipagtulungan ng national government na nagbigay ng bahagi ng pondo para rito.


Ang mga miyembro na nais mag-apply sa EALP ay dapat matugunan ang mga kondisyon sa ilalim ng programa. Una, ang edad ng miyembro ay hindi lalagpas ng 60 taong gulang. Pangalawa, ang kanyang buwanang kita o monthly basic income ay hindi hihigit sa P25,000.


Pangatlo, nakapaghulog ang miyembro ng hindi bababa sa 36-buwanang kontribusyon, kung saan ang anim dito ay naihulog sa loob ng huling 12-buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon.


Mahalaga rin na updated ang pagbabayad ng kanyang salary o housing loan at iba pang pautang kung mayroon man. Kung mayroong siyang overdue na utang, hindi maaaprubahan ang kanyang aplikasyon.


Ang kuwalipikadong humiram sa ilalim ng EALP ay ang mismong SSS member, ang kanyang legal na asawa, at kanyang mga anak maging ito man ay lehitimo, hindi lehitimo o legally adopted. Kung walang asawa ang miyembro, bukod sa kanya ay kuwalipikado rin sa programa ang kanyang mga kapatid maging ito man ay kapatid niya sa ama o ina.


Isang benepisaryo lamang kada miyembro ang papayagan para sa EALP. Ito ay dapat naka-enroll sa anumang undergraduate course sa alinmang unibersidad o kolehiyo na kinikilala ng ng Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) o mga institusyon na kinikilala ng Pamahalaan ng Pilipinas.


Ang pagbibigay ng EALP ay kada program term ng paaralan, kung kaya’t kailangang muling mag-apply ang miyembro para sa mga susunod na term hanggang sa makatapos o magamit na niya ang full allocation ng programa.


Sa EALP, ang termino ng pagbabayad ay hanggang limang taon para sa mga degree course, at tatlong taon naman para sa kumuha ng vocational o technical courses.


Matapos ang huling pagbibigay ng pautang ay susumahin ang lahat ng nautang sa ilalim ng EALP. Sisimulan ang pagbabayad matapos ang 18-buwan mula sa huling petsa ng pagbigay ng pautang para sa semestral na kurso samantala, 15-buwan naman para sa trimestral na kurso, at 14-buwan at 15-araw para sa quarter programs. Anumang natitirang utang sa ilalim ng EALP na hindi mababayaran ay ikakaltas naman sa final claim ng miyembro tulad ng retirement at death benefits.


Nais din naming linawin na ang EALP ay revolving fund. Ibig sabihin, ang pondo ay inilalaan sa mga kasalukuyang benepisaryo. Kapag nakatapos na sila sa pag-aaral at nabayaran ang EALP, babalik ito sa pondo para maipautang naman sa ibang aplikante na nais mag-aral. Sa mga interesadong mag-apply sa EALP tulad mo Laila, ikaw ay ilalagay sa waiting list hanggang magkaroon na ng available na pondo para sa iyo.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page