@Buti na lang may SSS | July 5, 2020
Dear SSS,
Magandang araw! Narinig ko sa radyo na nagbibigay ang SSS ng tulong-pinansiyal para sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic. Ano ba ito? Kuwalipikado kaya ako sa programang ito? Salamat po. – Karen
Sagot
Mabuting balita, Karen sapagkat kamakailan ay inilunsad ng SSS ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) upang bigyang tulong-pinansiyal ang mga miyembro ng SSS na lubhang naapektuhan ng kasalukuyan nating pandemya. Mas pinadali na rin ito sapagkat online na ang aplikasyon sa pamamagitan ng SSS website. Binuksan ito ng SSS noong Hunyo 15 at magtatapos ng Setyembre 14, 2020.
Lahat ng mga miyembrong may nakatalang address o tirahan sa Pilipinas ay maaaring mag-apply sa Calamity Loan Assistance Program (CLAP). Kinakailangan lamang na sila ay kasalukuyang nakarehistro sa My.SSS facility sa SSS web site, www.sss.gov.ph dahil ito ay online application lamang. Hindi tatanggap ang SSS ng anumang over-the-counter applications. Napakahalaga rin na sila ay nakapaghulog ng 36 buwang kontribusyon (o higit pa) kung saan ang anim rito ay nakatala na sa kanilang records sa nakalipas na 12 buwan bago ang buwan ng filing ng kanilang loan. Hindi rin sila dapat nakatatanggap ng anumang final benefit claim tulad ng total permanent disability o retirement at higit sa lahat ay walang binabayarang pagkakautang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga nakalipas na CLAP.
Samantala, makahihiram ang miyembro katumbas ng kanyang isang buwang monthly salary credit na average ng kanyang MSC sa nakalipas na 12 buwan. Ang monthly salary credit ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan na ang maximum ay aabot hanggang P20,000. Ang CLAP ay hiwalay na pautang sa regular na salary loan kung kaya’t ang mga miyembro na may natitirang utang sa salary loan ay maaari pa ring makahiram dito.
Pinahaba rin ang payment term ng programa ng 27 buwan, kumpara sa mga nakalipas na CLAP kung saan nakapaloob dito ang tatlong buwan na moratorium period kung kaya magsisimula lamang magbayad ang miyembro sa ikaapat na buwan mula sa petsa na naaprubahan ang kanyang utang. Halimbawa, naaprubahan ang iyong loan, Karen ngayong buwan ng Hulyo, ang pagbabayad mo ay magsisimula sa ikaapat na buwan matapos nito o sa Nobyembre 2020.
Mas mababa rin ang interest ng CLAP kumpara sa regular na salary loan. Ang interest nito ay 6% kada taon at walang kaukulang advanced interest ang sisingilin, ngunit may ibabawas lamang na 1% service fee.
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments