ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 3, 2023
Isa sa aking mga prayoridad ay ang matulungan ang ating mga overseas Filipino workers.
Napakalaki ng kanilang sakripisyo, tinitiis ang lungkot at kinakailangang mahiwalay sa kanilang pamilya at maghanapbuhay sa ibang bansa, na bukod sa iba ang lengguwahe ay kailangan din nilang umakma sa mga kultura, tradisyon at batas doon. Marami sa kanila ang nagiging biktima ng pagmamalupit ng kanilang mga employer, o kaya naman ay naiipit sa mga kaguluhang nagaganap.
Sa ginanap na confirmation hearing ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs noong May 31, bilang Vice Chair ng Committee on Foreign Affairs ng Commission on Appointments, ibinigay ko ang aking suporta sa nominasyon ng pitong foreign service officials, at binigyang-diin sa kanila na dapat nilang tuparin ang kanilang mga tungkulin nang buong puso at dedikasyon.
Sinabi ko sa mga bagong ambassadors na dapat mas maramdaman ng ating mga kababayan sa abroad ang kanilang presensya lalo na sa mga panahong sila ay lubos na nangangailangan. Hindi na dapat pang dumaan sa social media, radyo, telebisyon o sa iba pang panawagan ang ating mga OFWs upang humingi ng tulong. Higit sa anupaman, ang dapat nilang unahin ay ang karapatan, kapakanan at interes ng ating mga kababayan sa bansang kanilang kinaroroonan.
Sinabi ko sa mga opisyal na sila ang extension ng ating gobyerno sa kanilang host countries, kaya dapat na ang kanilang serbisyo bilang head of post ay laging handa at walang pinipiling tao o oras.
Kailangang laging bukas ang kanilang linya ng komunikasyon at kung kinakailangan ay ibigay nila ang kanilang numero para maaabot sila ng ating mga kababayan anumang oras at saan man sila naroroon. Ipinaalala ko rin sa kanila na hindi sila itinalaga sa labas ng ating bansa para mamasyal at asikasuhin lang ang mga bisita. Para ito sa kapakanan ng ating bansa at ng mga Pilipino roon na napalayo sa pamilya.
Binigyang-diin ko rin sa mga ambassadors na napakaimportante ng public relations sa serbisyo publiko. Kaya dapat ay laging bukas ang kanilang mga opisina para sa ordinaryong mamamayang Pilipino at mga OFWs natin na walang matakbuhan kundi tayong nasa gobyerno. Pakinggan natin ang kanilang mga hinaing at sumaklolo kaagad sa kanila kapag meron silang mga problema.
Noon pa man ay lagi nating inuuna ang ating OFWs na itinuturing nating mga bagong bayani. Isa tayo sa may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641 na lumikha sa Department of Migrant Workers para may departamentong tututok sa kanila at sa kanilang pamilya nang hindi na sila kailangang magpalipat-lipat pa ng ahensyang lalapitan sa paghingi ng tulong.
Sa ngayon, nakikita natin kung paano tinutupad ng DMW ang iniatang sa kanilang tungkulin sa pamamahala ni Secretary Susan Ople. Pero bukod sa DMW, ang pinakamalapit sa ating mga kababayan sa abroad ay ang mga embahada at consulates natin doon na pinamumunuan ng mga ambassadors at consuls. Kaya ang tanging pakiusap ko sa kanila ngayong nakumpirma na ng CA ang kanilang appointments ay maging totoo at tapat sa kanilang tungkulin, ipaglaban ang interes ng bansa, at proteksyunan ang buhay at kapakanan ng mga kababayan nating kasama nila sa bansang kanilang tinututukan.
Samantala, patuloy din ang ating paglalapit ng serbisyo sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa loob ng ating bansa na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Nasa Batangas tayo kahapon, June 2, at nag-inspeksyon sa Ibaan Super Health Center na itinayo kamakailan lamang.
Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng ayuda para sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar. Sinilip din natin ang multi-purpose building na matatagpuan sa Brgy. Sto. Niño na magiging municipal hall ng bayan ng Ibaan. Napondohan at naipatayo sa ating pamamagitan. Dumaan din tayo sa Sta. Teresita kung saan personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 1,086 mahihirap na residente.
Bilang kapwa Batangueño, ipaglalaban ko ang kapakanan ninyo.
Ang mga taga-Bataan naman ang ating pinuntahan noong June 1, at una sa ating naging aktibidad ang pagsaksi sa groundbreaking ng itatayong Samal Super Health Center, at pagkaraan ay personal nating pinangunahan ang relief effort para sa 500 mahihirap na residente roon. Nakarating din tayo sa Balanga City at nakisalamuha sa 1,008 mahihirap na residente at namigay ng tulong sa mga ito.
Dinaluhan din natin ang ribbon cutting ceremony ng Poland visa application center sa Makati City noong araw na iyon.
Hindi rin natin pinabayaan ang iba pa nating kababayan at pinagaan ang kanilang mga dalahin sa abot ng ating makakaya. Inalalayan natin nitong nakaraang mga araw ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 170 residente ng Brgy. Don Bosco, Parañaque City; at tatlo pa sa Brgy. Canlapwas, Catbalogan City, Samar.
Patuloy rin ang ating serye ng pamamahagi ng tulong sa mga naging biktima ng bagyong Agaton sa Banate, Iloilo kung saan 1,535 residente ang ating naabutan ng tulong sa ikatlong araw ng relief effort, at karagdagang 1,090 benepisyaryo sa ikaapat na araw.
Napasaya rin natin ang 520 mahihirap na pamilya sa Vigan City; at ang 408 barangay health workers sa Sariaya, Quezon. Hindi rin kinaligtaan ang mga miyembro ng iba’t ibang sektor sa Kalibo, Aklan kung saan 518 benepisyaryo ang ating natulungan. Sa isinagawang medical and dental mission sa Sibalom, Antique ay 180 pasyente ang atin ding binigyan ng dagdag na suporta.
Hindi ako pulitiko na mangangako sa inyo, at sa halip ay ginagawa ko lang ang aking trabaho.
Handa akong tumulong sa abot ng aking makakaya. Huwag din kayong magpasalamat sa akin, at sa halip ay ako ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataon na makapaglingkod sa inyo. Kaya kasama ang aking mga kapwa lingkod bayan, sisikapin naming ilapit sa inyo ang serbisyong nararapat at may malasakit sa inyong mga pangangailangan nasaan man kayo sa mundo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments