top of page
Search
BULGAR

Tulong para sa mahihirap na maysakit, ‘wag baratin

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 30, 2023



Umaasa ang ating mga Kababayan na magiging mas malaki pa ang alokasyon para sa pagtulong sa mga maysakit sa ilalim ng tinatalakay na pambansang badyet para sa susunod na taon.


Kamakailan, pinuna ni Rep. Ralph Recto ang isinumiteng alokasyon para sa Department of Health (DOH) na mas mababa ng P10 bilyon kumpara sa kasalukuyang itinalagang pondo ng gobyerno para rito.


Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), lumiit din ang alokasyon para sa ayuda sa maysakit na tinatawag na Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).


Pinaglaanan lamang ito ng P22.3 bilyon sa NEP para sa 2024. Mabilis pa sa alas-kwatrong kinalma ng mga senador ang taumbayan sa pagpapaliwanag na taun-taon ay lumalaki at hindi lumiliit ang inaaprubahan nilang pondo para sa MAIP. Sa kasalukuyang taon, ang pondo ng programang ito ay nasa P32.6 bilyon sa ilalim ng General Appropriations Act o GAA.


Ang MAIP ay “lifeline” ng ating mga mahihirap at “financially incapacitated” o mga walang pangtustos sa kanilang pagkakasakit. Nakalaan ito para sa pagpapaospital, outpatient services, emergency services, gamot at professional fees ng mga doktor.


Kung hindi ito paglalaanan ng sapat na pondo ng pamahalaan, marami sa ating mga Kababayan ang hindi na makakapagpagamot o mababaon sa pagkakautang.


Subukan nating lakaran ang pinagdaraanan ng milyun-milyong mahihirap na biglang kailangang isugod sa ospital. Dahil wala silang naitabi, dadalhin sila ng kanilang pamilya sa mga ospital ng gobyernong malapit o hindi kalayuan sa kanilang tirahan. Kadalasan, pagdating nila sa emergency section, puno ito at napakarami ng mga kailangang agarang lapatan ng atensyong medikal. Mapapaiyak ka talaga kung ikaw ang nasa kanilang kalagayan.


Sa mga ospital naman, sa ilalim ng DOH katulad ng specialty hospitals na Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, napakarami at nakapila rin ang mga nais magpakategorya bilang “charity patients.” Kaya napipilitan tuloy ang maysakit na magpa-admit na lamang bilang “paying patient” para malapatan na agad ng lunas ang karamdaman sa ospital, lalo na kung ang doktor nila ay hindi siyang gagamot sa kanila kung nasa charity ward sila.


Pero kahit pa “paying patient” sa mga nabanggit na ospital, maghihintay at pipila pa rin para makakuha ng kuwarto, lalo na kapag nataong napakaraming kailangang i-confine.


Kaya ang resulta, napipilitan pa ring tumakbo ang ating mga Kababayang mahihirap sa mga pribadong ospital, lalo na kung malapit lamang ito sa kanila.


Sa ilalim ng MAIP, makakakuha ng tulong o tinatawag na Guarantee Letter (GL) na may partikular na halaga mula sa pamahalaan ang mga maysakit. Diretsong napupunta ang nasabing halaga sa mga pinaglaanang pagamutan.


Malaking kabawasan ito sa bigat ng kanilang biglaang gastusin at bayarin sa ospital. Subalit, pihadong dusa ang taumbayan kapag kulang ang pondo nito na inaasahan nila sana sa panahon ng pagkakasakit.


Pati sa ilang mga pribadong pagamutan ay maaari ring makagamit ng pondo ng MAIP, kung may Memorandum of Agreement sa pagitan nito at ng pamahalaan. ‘Yun nga lang, puwede lang ito kung puno na ang pinagdalhang ospital ng gobyerno. Kailangan ding sertipikahan ng tagapamuno ng nasabing government hospital na hindi na nito kayang tumanggap ng pasyente dahil sa rami ng kasalukuyang inaalagaan at maysakit na naka-admit.


Madalas din kung hindi laging puno, oras-oras ay may mga pasyente ang mga ospital ng gobyerno. Kaya ‘wag nang pahirapan ang maysakit na makapagpagamot sa ilalim ng MAIP, sa pinakamalapit na pribadong pagamutan kung hindi sila kayang tanggapin agad ng pampublikong ospital.


Aasahan din ng ating mga Kababayan, hindi lamang ang ipinangakong paglaki ng pondo ng MAIP para sa 2024, kundi pati ang pagtitiyak na agarang matutugunan nito ang pangangailangan ng lahat ng mahihirap at walang pangtustos sa pagpapagamot.


2 comments

2 Comments


Bernadette Avila
Bernadette Avila
Aug 30, 2023

Minsan masakit ang ulo ko kakaisip tapos sasabayan ng pag mamanhid ng mukha ko. Naranasan ko sya nung na stress ako isip ako ng isip. Ano po kaya mapapayo nyo

Like

Bernadette Avila
Bernadette Avila
Aug 30, 2023

Hello po good evening, ask ko lang po minsan masakit ang ulo ko tapos minsan namamanhid din po. Naranasan ko sya simula ng na stress ako. Masakit yung noo ko

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page