ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | March 18, 2023
Nitong nakaraang buwan, dumanas ng matinding pagsubok ang lalawigan ng Oriental Mindoro, partikular ang siyam na munisipalidad nito.
Ito ay matapos lumubog sa katubigan ng bayan ng Naujan ang oil tanker na MT Princess Empress nitong Pebrero 28, habang may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil.
Kamakailan, sa tulong ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), natunton ng Philippine Coast Guard (PCG) sa katubigan ng Pola, Oriental Mindoro ang mga labi ng MT Princess Empress.
Bilang tulong, nagpadala na rin sa bansa ng 8-man team ang Japan para umayuda sa paglilinis ng oil spill dahil sa kakulangan natin sa oil blotters, oil snares at oil—proof working gloves para resolbahin ang problema sa mga kumalat na langis sa mga katubigang sakop ng mga apektadong bayan.
Nabatid din natin na pinasimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang cash-for-work program nitong Marso 15, Miyerkules, sa affected municipalities at nakapag-distribute na ng relief goods sa may 19,000 residente ng Oriental Mindoro na apektado ng oil spill.
Sa totoo lang, pangingisda ang ikinabubuhay ng karamihan sa mga residente ng mga munisipalidad na ito. At dahil pinahinto ng mga lokal na lider ang pangingisda, dumaranas ngayon ng matinding gutom at hirap ang mga taga-roon.
Kaya panawagan natin sa DSWD, lalo na kay Sec. Rex at kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment (DOLE), sana’y mas lalo pa nating agapan ang pagkilos dahil kaawa-awa na ang kalagayan ng ating mga kababayang apektado.
Sa ilalim ng DSWD, may programa tayong Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS, habang sa DOLE, mayroon tayong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na maaaring pagkakitaan ng mga mangingisdang nawalan ng hanapbuhay dahil sa insidente.
Sa pamamagitan ng TUPAD, kikita na sila, makatutulong pa sa pagbabalik-normal, hindi lang ng kani-kanilang pamumuhay kundi ng kanilang buong komunidad.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng state of calamity ang may 77 coastal villages ng Oriental Mindoro, kung saan ayon na rin sa datos ng DSWD ay pinaninirahan ng higit-kumulang 19,500 pamilya.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments