top of page
Search

Tulong medikal at serbisyong may malasakit, patuloy na ilapit sa mga nangangailangan

BULGAR

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Feb. 5, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Sa lumipas na mahigit isang siglo, malaking bahagi ng kasaysayan ng bansa at ng kalusugan ng mga Pilipino ang Philippine General Hospital. 


Ito ang pinakamalaking tertiary hospital ng gobyerno at nagbibigay serbisyo sa mahigit 700,000 pasyente kada taon. Sa kabila nito, kapos ang PGH sa bilang ng mga kama kung kaya’t lumalampas sa 200 percent ang occupancy rate nito. Ang resulta, hindi lang isa kundi hanggang tatlong pasyente ang nagsisiksikan sa isang kama minsan habang ang iba ay napipilitang maghintay sa pasilyo para lang malapatan ng lunas.  


Nitong Lunes, February 3, inaprubahan na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2928, na naglalayon na madagdagan ang bed capacity ng PGH na mula 1,334 ay magiging 2,200. Ang inyong Senator Kuya Bong Go ang may-akda at principal sponsor ng panukala. Nagpapasalamat ako sa aking mga kapwa mambabatas sa pagsuporta sa panukalang ito. 


Ang PGH ay isang mahalagang institusyon para sa ating mga kababayang nangangailangan ng libre at dekalidad na serbisyong medikal. Kapag tuluyang naging ganap na batas ang SBN 2928, mas maraming pasyente ang matutulungan at mabibigyan ng mas maayos na pangangalaga. 


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Health, prayoridad nating mapaganda ang serbisyo sa PGH. Naglagay tayo rito noon ng Malasakit Center na isang one-stop shop para hindi na magpalipat-lipat ang pasyente sa paglapit sa DOH, DSWD, PCSO, at PhilHealth para humingi ng tulong medikal dahil pinagsama-sama na natin sila sa iisang kuwarto. Isa ang PGH sa unang nagkaroon ng Malasakit Center, at patuloy ang suporta natin doon tulad ng aming regular na palugaw para sa mga pasyente at frontliners.


Alam nating marami ang lumalapit sa PGH para magpagamot, kaya dapat lang na tiyakin natin na may sapat na tulong para sa kanila.


Nang magkaroon dito ng sunog noong 2021, agad tayong umalalay para maipaayos ito at hindi maantala ang operasyon. Sinuportahan din natin ang pagpopondo, sa ating kapasidad bilang Vice Chairperson ng Senate Committee on Finance, para makapagpatayo rito ng mga karagdagang pasilidad. Kabilang dito ang "halfway house" o "watchers' hall" para may pansamantalang matutuluyan ang mga bantay ng pasyente na natutulog lang sa sahig o sa upuan. 


Ang pagdaragdag ng hospital beds — hindi lang sa PGH — kundi maging sa iba pang pampublikong ospital ay isa sa marami pang kailangang hakbang para unti-unti nating mapalakas ang ating healthcare system. Sa nakalipas na halos anim na taon ng ating pagiging senador, naging principal sponsor tayo ng 82 batas — ang 80 rito ay para sa pag-a-upgrade ng ating health facilities. 


Health is wealth, at ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Hindi tayo titigil sa pagsusulong ng mga reporma para mapabuti ang ating healthcare system. Patuloy nating ilapit ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan. Ilapit natin ang serbisyong may malasakit sa mga nangangailangan.


Samantala, tuluy-tuloy naman tayo sa pagseserbisyo. Naging guest of honor and speaker tayo sa Labong Lodge 59 132nd Installation of Elected and Appointed Officers for Masonic Year 2025 to 2026 noong February 1 na ginanap sa Maynila sa imbitasyon ni Worshipful Master and Coun. Gerald Teruel. Nakiisa rin tayo sa ginanap na Berde Come Back: 2025 La Salle Greenhills Alumni Homecoming sa Mandaluyong City.


Dumalo tayo sa Liga ng mga Barangay Eastern Samar Chapter Provincial Congress, Seminar Workshop, and Benchmarking for LGU Best Practices noong February 3 na ginanap sa Quezon City sa paanyaya ni Gov. Ben Evardone. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 46 kooperatiba sa CALABARZON, na ginanap sa Dasmariñas City, Cavite kasama ang Cooperative Development Authority bukod sa tulong pinansyal mula sa kanilang Malasakit sa Kooperatiba na programa. 


Kahapon, February 4, may 223 na kooperatiba naman sa Maynila ang personal nating pinagkalooban ng tulong kasama ang CDA, sa ilalim ang kanilang Malasakit sa Kooperatiba na programa. 


Sinaksihan naman ng aking opisina ang paglulunsad ng Super Health Center sa Carcar City, Cebu kasama si Mayor Patrick Barcenas.


Ipinadala ko rin ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad, at naalalayan natin ang mga naging biktima ng insidente ng sunog gaya ng 31 residente ng Tondo, Maynila; 77 sa Cebu City; at 32 sa Tacloban City.  


Nagbigay tayo ng tulong sa 250 mahihirap na residente ng Lumban, Laguna katuwang si Coun. Ann Anoñuevo. Sa ating inisyatiba ay napagkalooban din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan. 


Naghatid din tayo ng suporta para sa 90 scholars ng University of Batangas, Lipa Campus. May palugaw tayo sa ginanap na Araw ng Biñan Laguna Feeding Program, bukod pa ang tuluy-tuloy nating katulad na inisyatiba sa mga ospital na may Malasakit Center para sa mga pasyente, kanilang bantay at hospital staff. 


Patuloy akong magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo, at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page