top of page
Search
BULGAR

Tulong medikal at pangangalaga sa kalusugan ng mahihirap, prayoridad para sa pag-unlad

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 16, 2022


Patapos na ang termino ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte. Makahulugan para sa ating mga Pilipino ang kanyang panunungkulan, at isang karangalan para sa akin na makapaglingkod sa inyo katuwang niya.


Makalipas ang anim na taon, nakikita na natin ang mga positibong pagbabago na naihatid ng Pangulo sa buhay ng ating mga kababayan sa kabila ng mga pagsubok na sama-sama nating hinarap. Sana ang susunod na administrasyon — sinuman ang mahalal — ay maipagpatuloy ang kanyang mga nagawa at tiyakin na ang pagsisikap ng administrasyong Duterte na makapaghatid ng komportableng buhay para sa lahat ay hindi masasayang.


Sinisikap din po ng Pangulo at ng administrasyong ito na magiging mapayapa ang halalan sa Mayo. Inatasan na niya ang militar, pulis, at iba pang kawani ng gobyerno na gampanan ang kanilang tungkulin upang maproteksyunan ang integridad at kredibilidad ng eleksyon — malinis, walang magiging takutan, at patas na laban. Ang importante dito, respetuhin natin ang will of the people.


Nakakatuwa rin naman na patuloy na lumuluwag ang mga restriksyon, at nagbubukas na ang maraming negosyo dahil sa pagbaba ng bilang ng nagkakasakit at parami nang parami ang bakunado na.


Sa nakalipas na dalawang taon ay marami tayong natutunan. Kung mapapanatili natin ang disiplina, kooperasyon at malasakit sa isa’t isa, walang dudang mabilis tayong makababangon mula sa pandemya.


Nakikita na natin ngayon ang tinatawag na “light at the end of the tunnel”. Maraming salamat po sa ating mga frontliners, medical professionals, sa pamahalaan at sa pakikiisa ng ating mga mamamayan. Masisimulan na nating maibangon ang ating mga sarili mula sa epekto ng pandemya basta lang magkaisa tayo sa iisang hangarin para sa kabutihan ng bansa.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, gusto kong purihin ang Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team, sa pangunguna ng National Task Force (NTF) Against COVID-19, sa pagsasagawa ng pambansang dayalogo kasama ang iba pang kaagapay sa laban kontra-COVID-19. Sa pamamagitan ng mga inisyatibo nila, ipinapalaganap natin ang impormasyon tungkol sa importansya ng bakuna at pangangalaga sa kalusugan lalo na sa mga kanayunan at malalayong lugar.


Sa kasalukuyan, nasa mahigit 139 milyong doses na ang naibakuna sa buong bansa. Nasa 63.2 milyong Pilipino ang nakatanggap na ng kanilang first dose, 64.7 milyon ang fully vaccinated at 11.2 milyon ang nakatanggap na ng booster shots.


Samantala, nitong March 11 ay inilunsad na ang University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) Visayas sa Iloilo City, at ang UP-PGC Mindanao sa Davao City.

Importante ito dahil gusto nating maging handa sa anumang krisis pangkalusugan na maaaring dumating pa. Kailangang mabigyan ng halaga ang mga inisyatibo ng ating mga Filipino scientists at medical experts at dapat patuloy tayong mag-invest sa health research.


Nitong Marso 14 naman ay personal ko ring binisita at inobserbahan ang operasyon ng Malasakit Center na nasa Southern Philippines Medical Center sa Davao City. Isa ito sa 151 na Malasakit Centers na naitayo na sa buong bansa. Sinaksihan ko rin ang ceremonial turnover ng P450 milyon mula sa Office of the President para mapaganda ang serbisyo at kagamitan ng SPMC.


Sinamahan ako ni Sen. Joel Villanueva na kapwa ko senador at naging co-author din ng Malasakit Centers Act of 2019 na aking pangunahing iniakda at in-sponsor sa Senado. Nakakatuwa na higit tatlong milyong Pilipino na ang nakabenepisyo sa Malasakit Center, sana ay masuportahan pa lalo ang programang ito sa susunod na mga taon lalo na’t maraming mahihirap ang nangangailangan ng tulong at walang ibang matakbuhan kundi ang gobyerno.


Kahit unti-unti nating nakokontina ang pandemya, dapat tayong mag-invest sa healthcare, at gawing prayoridad ang pagkakaloob ng tulong medikal sa mahihirap. Sa lahat ng nangyari sa nakaraang mga taon, lalo nating sisikaping maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino.


Bilang inyong senador at Chair ng Senate Committee on Health, patuloy nating ipaglalaban na mabigyan ng sapat na tulong ang mga nagkakasakit at mapangalagaan nang husto ang kalusugan ng buong sambayanang Pilipino.


Magtulungan at magbayanihan po tayo para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Ang isang ligtas at maginhawang buhay ang pinakaimportanteng maipamamana natin sa ating mga anak at sa susunod na henerasyon.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page