ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 22, 2022
Hindi tayo tumitigil sa pangakong pagseserbisyo sa abot ng aking makakaya para sa bawat Pilipino, lalo na ang mahihirap at walang ibang matakbuhan. Patuloy tayong pupunta sa iba’t ibang komunidad upang maghatid ng tulong, mapakinggan ang hinaing ng ating mga kababayan, masolusyunan ang mga problemang inyong hinaharap at makapag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.
Noong Oktubre 20 ay bumiyahe tayo patungong Mandaue City, Cebu at personal ko nating inalam ang kalagayan ng mga kababayan natin na apektado ng pagbaha. Pinangunahan natin ang pamamahagi ng ayuda sa halos isang libong benepisaryo mula sa iba’t ibang barangay, at mayroon pang mahigit 3,000 na makatatanggap din ng ayuda ngayon.
Kahapon, Oktubre 21 ay agad nating pinuntahan ang mga kababayan nating naging biktima ng sunog sa Malabon City. Personal din tayong nag-abot ng tulong sa mahigit isang daang pamilyang nasunugan.
Tulad ng madalas nating sabihin, mahirap ang sitwasyon ng mga nasunugan, binaha o tinamaan ng sakuna dahil nauwi lang sa wala ang kanilang mga pinaghirapan, bukod pa sa wala agad pagkukunan ng pangunahing pangangailangan at gastusin.
Ang ating relief team ay nakarating naman ngayong linggo sa iba’t ibang komunidad sa ating bansa para sa patuloy na adhikaing mapagaan ang mga dalahin ng ating mga kababayan habang patuloy na nakikipaglaban sa epekto ng pandemya at iba pang krisis.
Ang mga kababayan nating apektado ng bagyo tulad ng 500 sa Gapan, Nueva Ecija, at 39 sa New Washington sa Aklan ay nakatanggap ng tulong. Merong 21 na mga kababayan nating apektado ng sunog mula sa Balingasag at El Salvador City, Misamis Oriental ang nakatanggap din ng suporta.
Nagsagawa tayo ng serye ng pamamahagi ng ayuda sa iba’t ibang lugar sa Bohol at nasuportahan natin ang 1,052 benepisaryo sa Pilar; 325 sa Anda; 258 sa Dimiao; 199 sa Sevilla; at 189 pa sa Lila. Hindi rin natin kinaligtaan ang 1,900 na nangangailangan sa Zamboanga City; 600 sa San Pablo City, Laguna; at 1,000 sa Tanza, Cavite.
Sa Rizal, 500 benepisaryo sa Rodriguez ang ating natulungan, at 450 pa sa Taytay. Dagdag pa rito ang 689 benepisaryo sa Magsaysay, Lanao del Sur; 500 sa Dingalan, Aurora; 333 sa Orani, Bataan; at 190 pa sa San Fernando City, La Union.
Tuluy-tuloy rin ang pagkakaloob natin ng tulong-pangkabuhayan sa maliliit nating negosyante para sumigla ang kanilang lokal na ekonomiya. Sa Ilocos Norte, napagkalooban ng gobyerno ng pandagdag sa kanilang puhunan ang 105 MSMEs sa San Nicolas, 83 sa Paoay, at 76 pa sa Banna. Nakarating din tayo sa La Union para naman palakasin ang 109 MSMEs sa Luna, 75 sa Bangar, 199 sa Bauang at Naguilian, at 20 pa sa Sudipen.
Bukod dito, patuloy din ang ating trabaho sa Senado bilang mambabatas at lingkod-bayan.
Dagdag pa rito, suportahan din natin ang mga sektor na nagiging gabay at haligi natin sa ating paglilingkod sa bayan. Kasama na ang mga nasa media at entertainment industry.
Mahal natin ang mga taga-media. Pantay-pantay ang aking pagtingin sa kanila sa radyo man sila, online, telebisyon o dyaryo—pribado o gobyerno. Napakahalaga ng papel ng media sa paghahatid ng balita at impormasyon. Ang media rin ang nagsisilbing mata, tainga at dila ng mga tao para iparating ang kanila ang mga karaingan na nangangailangan ng agarang pansin at solusyon.
Proteksyunan natin ang buhay ng bawat mamamahayag. Kaya noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, binuo niya ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) dahil prayoridad niya na proteksyunan ang media. Basta siguraduhin lang na tama ang trabaho at tama ang pagbabalita.
Alam ko rin ang hirap na dinaranas ng mga taga-media. Bukod sa panganib na kanilang sinusuong makapaghatid lang ng tama at makabuluhang balita, may sarili rin silang pamilya na binubuhay. Ito ang dahilan kaya bilang pag-alalay sa kanila at sa mga taga-entertainment industry, isinulong ko ang Senate Bill No. 1183 o ang Media and Entertainment Workers Welfare Act.
Kapag naisabatas ito, magiging mandatory na ang pagkakaroon nila ng detalyadong kontrata bago sila magsimula ng trabaho. Kasama rin dito ang mga dapat nilang matanggap na benepisyo. Ipaglalaban ko ito upang tuluyang maging batas bilang pagkilala sa dedikasyon nila sa kanilang propesyon at tungkulin nila sa buong sambayanang Pilipino.
Walang Pilipino na dapat maiwan sa ating muling pagbangon. Ipagpapatuloy natin ang pagtulong. Nagsisilbing lakas ko ang aking paninindigan na, “Ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.”
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments