ni Ryan Sison @Boses | Nov. 30, 2024
Higit na kailangan ng pag-aaruga at pagkalinga natin sa mga kababaihan na naging biktima ng karahasan at pang-aabuso.
Ito ang ginawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan tinulungan ang 12,055 indibidwal na mga victim-survivor ng violence against women and children (VAWC) mula 2021 hanggang 2023.
Ayon kay Social Welfare Officer Carol Nuyda, alinsunod sa Republic Act 9262 o ang Anti-VAWC Act of 2004, dapat na kinikilala natin ang karapatan ng mga biktima ng karahasan. Dahil dito, dapat natin silang bigyan ng naaayon, available, at accessible na mga serbisyo.
Aniya, ang DSWD ay nagbigay ng comprehensive assistance sa mga survivor o nakaligtas sa karahasan sa pamamagitan ng Residential and Non-Residential Care Services, Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP), at iba’t ibang community-based services.
Kabilang sa mga intervention ng kagawaran ang psychosocial care o counseling; psychological o psychiatric testing; pagkakaloob ng mga professional na serbisyong pangkalusugan; referral para sa medico-legal na eksaminasyon; at mga mekanismo para sa proteksyon laban sa mental, emosyonal, pisikal, at sekswal na pang-aabuso, pati na rin ang ibang anyo ng pagsasamantala.
Sinabi pa ng opisyal na nagbibigay din sila ng mga damit at personal na gamit, nag-aalok ng legal at paralegal assistance, at isinasaayos ang mga referral o paglilipat ng mga ito sa mga local government units (LGUs) o mga rehistrado at lisensyadong private residential care facility para sa pansamantalang tirahan o proactive custody.
Binigyang-diin ni Nuyda na maaaring ituring ang isang babae na biktima kung siya ay asawa ng salarin, dating asawa, o kung siya ay nagkaroon ng sekswal o dating relationship sa salarin. Naaangkop din aniya ito sa sinumang babaeng nakikihati sa isang bata sa salarin, lehitimo man ang bata o hindi lehitimo, at anuman ang kanilang sitwasyon sa buhay.
Nakalulungkot isipin na napakarami pala sa ating mga kababaihan ang naging biktima ng karahasan at pang-aabuso.
Sila iyong mga victim-survivor o nakaligtas matapos ang naranasang kalupitan sa buhay, subalit tiyak na matinding dagok naman ito para sa kanila sa kabuuan ng kanilang pagkatao.
Hindi kasi madali na kalimutan na lamang ang lahat ng nangyari dahil buhay nila ang nawasak at higit na mahirap ito para sa kanila. Kaya tama naman na pagtuunan natin ng pansin ang kanilang kalagayan upang sila ay makarekober sa sakit na nararamdaman.
Mabuti nga may mga programang ganito ang gobyerno upang sila ay alagaan at tulungan para muling makabangon.
Hiling lang natin sa kinauukulan na bukod sa pagsuporta sa mga naturang abused women, dapat na patawan ng mabigat na parusa ang mga taong gumawa ng kawalanghiyaan sa kanila. Ikulong at pagbayarin ang mga ito sa ginawa nilang kasalanan, nang sa gayon ay hindi na dumami pa ang maging biktimang kababaihan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments