6 tips para sa healthy lifestyle kahit paiba-iba ang oras ng trabaho.
ni Justine Daguno - @Life and Style | August 10, 2021
Walang pinipiling panahon ang trabaho, anumang oras ay kailangan itong tugunan dahil ito ang ating pinakakakitaan kaya nakaka-survive tayo sa araw-araw.
At dahil in demand na trabaho at maganda ang development ng business process outsourcing (BPO), marami ang tumatangkilik ang industriyang ‘to. Bukod sa malaki na ang suweldo at magandang benepisyo, marami pa itong oportunidad na bukas para sa lahat ng antas at estado. ‘Yun nga lang, madalas ito ay nightshift o kailangang magtrabaho sa mga oras na nakasanayan na ang pagtulog.
Pero worry more, narito ang ilan sa mga dapat gawin para mapanatiling healthy kahit nasa ang trabaho ay panggabi:
1. KUMAIN NG HIGH PROTEIN FOODS. Ang gulay, crackers, prutas at iba pang high protein na pagkain ay malaki ang naitutulong upang mapanatili tayong alerto, partikular sa mga oras na dapat natutulog o nagpapahinga na ang ating sistema.
2. KUMAIN NANG TAMA. Kumain nang tama — kumain nang naaayon sa oras. Ang pagkain ng tama o saktong oras sa loob ng isang linggo ay makatutulong upang ma-maintain ang body clock o magkaroon ng routine. Kapag naka-setup na sa isip ang mga dapat gawin, madaling masasanay o makasusunod ang katawan kaya mabago man ang oras ng tulog o pagiging aktibo, hindi ito magiging problema.
3. BAWASAN ANG PAG-INOM NG ALAK. Hindi magandang ideya ang pag-inom ng alak bago matulog, lalo na kung nightshift worker. Bagama’t dahil dito ay mabilis na inaantok o nakatutulog, isa sa mga “pangmatagalang epekto” nito ay ang pagkakaroon ng paputul-putol na tulog o ‘yung nagigising mula sa dalawa hanggang tatlong oras na pagkakatulog — nakainom man ng alak o hindi.
4. IWASAN ANG CAFFEINATED DRINKS. Bukod sa alak, bawasan ang pagkonsumo sa mga inuming may caffeine, tulad ng tsaa, cola o soda, at kape. Sa regular na pagkonsumo nito, mas nagiging alerto ang katawan pero hindi kontrolado. Ibig sabihin, maaaring maging energetic sa mga panahong dapat nagpapahinga, habang makararamdam naman ng panghihina sa mga pagkakataong dapat gising ang diwa.
5. ‘WAG MATULOG NANG GUTOM. Iwasang matulog nang walang laman ang tiyan. Kung wala sa mood o walang ganang kumain, sikaping magkonsumo man lang kahit isang baso ng gatas o anumang dairy products nang sa gayun ay mas maging maginhawa ang pakiramdam sa paggising.
6. HINDI DAPAT UMASA SA MEDICATION. Karamihan sa mga nightshift workers ay umaasa sa sleeping pills at iba pang sedatives para mag-adjust o madaling makatulog sa umaga, na siya namang hindi magandang ideya dahil ito ay mas makasisira sa ating sleep pattern. Tandaan na kailangan ng prescription o payo ng doktor bago mag-take anumang uri ng medikasyon.
Isa sa mga bagay na mahirap pero ‘required’ nating gawin ay ang ‘adjustments’ o pag-a-adjust — sa mga taong nakakasalamuha, sa pabagu-bagong panahon, sa environment o uri ng trabaho at maging ang lifestyle mismo. Pahalagahan ang trabaho, pero iprayoridad palagi ang sariling kapakanan. Okay?
Comments