ni Chit Luna @News | Nov. 29, 2024
Nanawagan si Senador Raffy Tulfo ng imbestigasyon sa iregular na pagbebenta ng vape products sa Lazada, Shopee, Tiktok at iba pang social media platforms at online market places, gayundin ang paglaganap ng mga pekeng produkto sa Internet.
Inihain ni Tulfo ang Resolution No. 1232 noong Nob. 13, 2024 para imbestigahan ng Senado ang pagbebenta ng mga iligal na vape at mga pekeng produkto sa social media at e-marketplaces na tahasang lumalabag sa Republic Act 11967 o ang Internet Transactions Act of 2023.
Ang RA 11967 ay isang bagong batas na naglalayong protektahan ang mga mamimili at nagbebenta sa pamamagitan ng pagtatakda ng malinaw na tuntunin para sa mga online na transaksyon.
Kabilang dito ang pagbebenta, pamamahagi at pag-advertise ng mga produkto at serbisyo. Ito ay nagtatakda ng epektibong regulasyon sa e-commerce para protektahan ang karapatan at privacy ng mga consumer, i-secure ang mga transaksyon sa internet, itaguyod ang intelektwal na ari-arian, tiyakin ang pamantayan ng mga produkto at siguraduhin ang kaligtasan nila.
Inilabas naman ang Department of Trade (DTI) ng Administrative Order No. 24-03, Series of 2024, noong Hulyo 16, 2024, na sumususpindi sa online na pagbebenta, pamamahagi at pag-advertise ng mga produkto at device ng vape, maliban kung sumunod ang nagbebenta sa pag-verify sa edad ng mga bumibili.
Sinabi ni Tulfo na sa kabila ng administrative order, patuloy na naibebenta ang vape products sa pamamagitan ng e-commerce platforms gaya ng Lazada at Shopee sa kabataan.
Habang ang ilang nagbebenta ay may verification process, ito ay madaling naiiwasan, at ang mga produkto ay madaling ma-access kahit ng mga menor de edad, sabi niya.
Binanggit ni Tulfo ang online platform na Tiktok kung saan wala aniyang verification feature na naka-install sa iba't ibang sellers' account. Ang ilan ay nilalampasan ang verification process sa pamamagitan ng pag-post ng instruction sa pamamagitan ng private message. Aniya, ginagawa nitong walang silbi at walang saysay ang direktiba ng DTI.
Bukod sa hindi regular na pagbebenta ng mga vape, ilang mga online na nagbebenta ay aktibong lumalabag sa mga alituntunin at patakaran ng komunidad.
Sinabi niya na ang mga produktong ito ay madaling ma-access ng mga bata o indibidwal na wala pang 18 taong gulang dahil sa kakulangan ng sapat na mga disclaimer at maling mga label.
Bukod sa mga regulated items na ibinebenta na lumalabag sa DTI regulations at online platform community guidelines, ang pagbebenta ng peke, copycat o substandard na mga produkto ay patuloy na lumalaganap sa mga online selling platforms, ayon kay Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na ang Pilipinas ay binansagan bilang sentro ng Asia sa online shopping scam at ang ilegal na aktibidad lalo na sa kapaskuhan kung saan sinasamantala ng mga scammer.
Napansin din niya ang pagbebenta ng mga viral na produkto tulad ng "Labubu" doll, kung saan nag-aalok ang mga nagbebenta ng parehong orihinal at knock-off na bersyon sa presyo na nakakagulat.
Aniya, ang pagbebenta ng mga produkto ito ay pinalalakas ng mali at mapanlinlang na advertising, na tahasang nilalabag ang mga probisyon ng Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines.
Sinabi ni Tulfo na ang gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang kaukulang ahensya, ay may pananagutan na protektahan ang mga mamimili mula sa mga mapanlinlang na gawain at tiyakin na lahat ng produktong ibinebenta online ay sumusunod sa batas at regulasyon.
Pinaigting ng Department of Trade and Industry at Bureau of Internal Revenue ang kanilang kampanya laban sa pagbebenta ng substandard at hindi rehistradong vape products. Sinabi ng BIR na mahigit 400 na nagbebenta ng vape products ay hindi rehistrado o nagtataglay ng revenue stamps.
Comments