ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 25, 2023
Hindi maintindihan ng marami nating kababayan kung bakit bigla na lamang iniwan ni Jay Art Tugade ang puwesto niya bilang Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary, ngunit malinaw ang mensahe nito para sa Department of Transportation (DOTr) kung bakit siya bumitaw.
Sinabi ni Tugade na kaya niya nagawang mag-resign ay dahil hindi umano siya magiging epektibo sa trabaho kung magkaiba sila ng diskarte ni DOTr Sec. Jaime Bautista.
Parang humihila ng barko sa lupa si Tugade sa pamumuno niya sa LTO dahil simula nang maluklok siya sa puwesto noong Nobyembre 17, 2022, agad niyang sinimulang linisin ang naturang ahensya, ngunit tila hindi nauubos ang problema.
Ilang linggo pa lamang sa puwesto si Tugade, ilang ‘fixer’ na ang nasakote at ipinakulong nito, ngunit dahil sa tila kalawang na unti-unti nang kinakain ang buong ahensya, hindi na talaga maresolba ang problema.
Marami ang humanga sa sipag na ipinamalas ni Tugade, ngunit hindi niya kaya mag-isa ang talamak na sabwatan ng mga empleyado ng LTO at ng mga ‘fixer’ dahil inugat na ng panahon ang nabuong sindikato na hindi basta-basta matukoy ng ordinaryong nag-iimbestiga.
Base sa resignation letter na isinumite ni Tugade na ang effectivity date ay sa darating na Hunyo 1, 2023, inisa-isa niya ang kanyang accomplishments bilang namumuno sa LTO—ang single ticketing system, price ceiling sa mga nagsisiyamang driving school, pag-alis sa periodic medical exam sa mga may hawak na 5-year at 10-year driver’s license.
Ipinatupad din ni Tugade ang pagbabawal sa mga traffic enforcer na baklasin ang plaka ng mga hinuhuling driver, at ang pinakahuli ay ibinaba pa sa P300 ang maximum fee para sa medical examinations na required sa pagkuha ng student permit at driver’s license.
Kahit hindi perpekto ang naging trabaho ni Tugade sa LTO, nakita ng sambayanan ang kanyang pagsisikap para linisin ang napakapangit na imahe ng ahensyang pinamumugaran ng mga korup.
Hindi naman lihim ang umiiral na korupsyon sa iba’t ibang tanggapan ng LTO, at katunayan d’yan, napakaraming ‘fixer’ na ang ipinakulong ni Tugade na sadyang hindi maubus-ubos dahil napakatatag na ng kanilang relasyon sa ilang empleyado nito.
Palagi nating sinasabi na hindi lahat ng nagtatrabaho sa LTO ay gumagawa ng anomalya, ngunit naniniwala rin tayo na lahat ng empleyado ay alam ang talamak na operasyon ng mga ‘fixer’, ngunit nagsasawalang kibo at ayaw madamay.
Sa dinami-rami ng mga achievement ni Tugade, nakaladkad ang kanyang pangalan sa shortage ng plastic card ng mga driver’s license, ngunit alam ng publiko na wala siyang kasalanan dahil nanghimasok ang DOTr sa procurement kaya nagkaloko-loko.
Dahil dito, uminit nang uminit ang sitwasyon sa pagitan ng LTO at DOTr at marami sa ating mga kababayan ang nakikiramdam kung sino ang unang masisibak sa puwesto dahil mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay naiirita na sa pangyayari.
Marami ang umasa na sa panig ng DOTr magkakaroon ng sibakan dahil kabi-kabila ang insultong kanilang dinaranas, kabilang na ang makailang ulit na problema sa NAIA Terminal na humantong na naman sa pagkakakansela ng mga flight dahil sa biglaang pakasira ng uninterruptible power supply (UPS).
Alam ni Tugade na lubhang napakatibay ng pamunuan ng DOTr sa pamahalaan at hindi ito basta-basta matitibag, kaya minabuti niyang umalis kaysa pare-pareho silang lumubog sa kahihiyan.
Sampu ng aking mga ‘kagulong’ ay nagpapasalamat kay Tugade dahil kahit sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan ay may mga pagbabago siyang naipatupad sa lugmok na imahe ng LTO.
Ang ginawang pagbibitiw ni Tugade ay maliwanag na mensahe na hindi na nito kaya ang hindi maayos na sistema ng DOTr.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments