ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 18, 2023
Marami ang natuwa sa naging desisyon ng Metro Manila Council (MMC), Land Transportation Office (LTO) at Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi kukumpiskahin ang lisensya ng mga pasaway na driver.
Bahagi ito nang pagpapatupad ng single ticketing system sa mga lalabag sa batas-trapiko sa rehiyon, na ayon sa technical working group (TWG) ay isasama na ang bagong sistema sa pagbabayad ng mga parusa sa unang quarter ng 2023.
Ngayong sinisimulan na ang pagpapatupad nito ay unti-unti nang pinupulido ang sistema at kapag epektibo na ay maaari nang ayusin ng mga motorista ang kanilang multa sa local government unit (LGU) kung saan sila nakatira kahit nakagawa sila ng traffic violation sa ibang lugar.
Nalabas na rin ng standard na multa para sa partikular na traffic violation ang LGU at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang bahagi ng pare-parehong pagpapatupad ng batas upang hindi magkani-kanya ng singil.
Sa puntong ito, dapat na maghinay-hinay dahil tiyak na magkakaproblema rito ang ating mga kababayang nagmamaneho ng pampasaherong sasakyan dahil sa kakulangan nila ng kita para magbayad ng multa.
Kaya rito pumapasok ang korupsyon o lagayan sa pagitan ng tsuper at ng traffic enforcer dahil ayaw nilang umabot pa sa opisina ang kanilang paglabag dahil hindi na sila makakatawad at obligado na silang magbayad ng kaukulang multa.
Sa Abril kasi ay ipatutupad na ang bagong unified traffic ticket system sa National Capital Region (NCR) at hindi pa natin alam kung gaano ito kahigpit, pero hindi kukumpiskahin ang lisensya dahil ang mga detalye ng lumabag na mga motorista ay ililista lamang ng traffic enforcer at ipapasa sa LTO.
Bibigyan lamang ng 10 araw ang mga motorista para bayaran ang penalty sa pamamagitan ng digital wallet o payment centers na nakarehistro sa Land Transportation Management System ng ahensya, bago ito magkaroon ng interes.
Maaaring umabot sa P10,000 ang multang babayaran ng mga pasaway na tsuper sa ilalim ng bagong unified traffic ticket system at kapag epektibo na ay tiyak na maraming tsuper ang aaray.
Base sa traffic code na inaprubahan ng MMC noong Pebrero 1, ang paglabag sa Child Safety in Motor Vehicles Act, ay may multang P1,000 sa unang offense; P2,000 sa ikalawang offense; at P5,000 sa ikatlo at sa mga susunod pang pagkakahuli.
Mas mahal naman ang paglabag sa Children’s Safety on Motorcycle Act dahil P3,000 ang multa sa unang offense; P5,000 sa ikalawang offense; at P10,000 sa ikatlo at susunod pang offense.
Sa ilalim ng Children’s Safety on Motorcycle Act, bawal sumakay ang bata, maliban kung abot ng kanyang paa ang tuntungan sa motorsiklo, kayang yapusin ang baywang ng rider at dapat nakasuot ng helmet.
Sa mga motorcycle rider na hindi magsusuot ng helmet, ipatutupad ang multang P1,500, P3,000 at P5,000 sa una, ikalawa at ikatlong offense, ayon sa pagkakasunod at P10,000 na kung lagpas na sa tatlo ang paglabag.
Kung walang Import Commodity Clearance o ICC sticker ang helmet, P3,000 ang multa sa unang offense at P5,000 sa mga susunod na paglabag, na sapol ang ating mga ‘kagulong’ kaya dapat mag-ingat.
Ang mga hindi magsusuot ng seatbelt ay multang P1,000, nagtaas din ang multa sa iba pang traffic violation at ang penalty ay maaari nang bayaran online sa ilalim ng single traffic ticket system.
Ngunit ayon sa MMC, ang lisensya ay kukumpiskahin kung mayroon itong 10 paglabag na hindi pa inayos, kung saan ang sapol naman ay ang mga tsuper ng pampasaherong sasakyan.
Ang MMDA naman ay may pahayag na kapag naantala ang pagbabayad sa multa ay hindi na mare-renew ang driver’s license o ang rehistro ng sasakyan, depende sa bigat ng paglabag, kaya doble-ingat dahil sa Abril na ‘yan!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments