ni BRT @News | September 10, 2023
Hindi umano sapat ang P6,500 hanggang P10,000 one-time fuel subsidy ng gobyerno sa mga driver at operator, ayon sa transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).
"'Pag tiningnan po natin, ito ay pampatid-uhaw lamang sapagkat sa P6,500 halos apat na araw lamang naiko-consume ng ating mga driver at operator lalo na kung ito ay nagkakarga ng 30 liters per day 'yung ating mga driver," ani PISTON President Mody Floranda sa isang panayam.
Aniya, dahil sa oil price hike, P100 kada araw ang nawawala sa kita ng tsuper.
"Kapag tiningnan po natin sa loob ng 25 days, naglalaro po ito sa mahigit P3,000, 'yung direct na nawawala. Kaya 'yun po 'yung sinasabi po natin ay sa biglang tingin ay makakatulong pero kung titingnan natin sa kabuuan ay wala ring saysay, kasi sa patuloy ngang pagtaas ng presyo ng petrolyo," dagdag pa nito.
Naniniwala si Floranda na mas mainam kung ibabasura ng gobyerno ang Oil Deregulation Law o muling pag-aralan ang probisyon nito.
Hinikayat din nito si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mag-isyu ng executive order para suspendihin muna ang excise tax sa petrolyo.
Commentaires