top of page
Search
BULGAR

Tsuper at operator, never-say-die vs. phaseout

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 14, 2023


Ilang araw na lamang ay Pasko na, habang abala ang ating mga kababayan sa pagdalo sa mga party at pamimili para sa mga ihahanda, nagkukumahog pa rin ang isang transport group na maglunsad ng dalawang araw na tigil-pasada.

 

Kamakailan lamang ay naglunsad din ng tigil-pasada itong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at halos ilang araw lamang nagpahinga at hindi pa natin alam kung ano ang naging resulta ng una nilang protesta, tapos heto na naman.

 

Hindi ba’t inalalayan pa sila ng grupong MANIBELA upang mas magkaroon umano ng diin ang kanilang ipinaglalaban ngunit, tila hanggang sa kasalukuyan ay pabawas nang pabawas ang kanilang pag-asa na mapagbibigyan pa sila ng pamahalaan sa kanilang kahilingan.

 

Muling susubukan ng grupong PISTON ang dalawang araw na tigil-pasada ngayong Huwebes at Biyernes pero sa pagkakataong ito ay lalahok na umano sa jeepney strike ang mga kaalyado nilang grupo sa Central Luzon at Southern Tagalog.

 

Kung paniniwalaan natin ang pahayag ng PISTON, pinangangalandakan nilang posibleng lumawig pa ang kanilang tigil-pasada depende sa magiging tugon umano ng pamahalaan.

 

Napakarami na nang nadamay sa mga halinhinang protesta na isinasagawa ng PISTON at MANIBELA pero hanggang ngayon ay hindi nila natitinag ang Department of Transportation (DOTr) na patuloy na naninindigan na tuloy ang deadline sa Disyembre 31.

 

Ganu’n din ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na nakakaramdam ng pangamba dahil sa hindi naman umano kaya ng dalawang transport group na paralisahin ang sitwasyon ng pampublikong transportasyon sa bansa.

 

Maging ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ay naglabas ng pahayag hinggil sa kanilang kahandaan sa tuwing may mga tigil-pasada at minaliit lamang nila ang puwersa ng mga nagsasagawa ng tigil-pasada at hindi umano maramdaman ang kanilang kawalan.

 

Habang lumilipas ang araw ay unti-unti nang lumalapit ang itinakdang deadline sa Disyembre 31, 2023 at bukod sa banta ng tigil-pasada ay walang magawa ang nabanggit na dalawang transport group. 

 

Dahil dito, nagpasaklolo na ang transport group na MANIBELA sa Malacañang na direkta na itong nagpadala ng liham kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) hinggil sa nalalapit na pagpapatupad ng deadline sa consolidation sa Disyembre 31.

 

Naniniwala kasi ang dalawang transport group na ang itinakdang deadline para sa tradisyunal na jeepney ay simula na rin ng phaseout at hindi sila bilib sa mga paliwanag ng DOTr at LTFRB.

 

Noong nakaraang Disyembre 3 ay sinulatan mismo ng MANIBELA si P-BBM at binigyan din nila ng kopya ang tanggapan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na isa rin sa nais nilang makaharap upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing.

 

Nakapaloob din sa liham na kaya sila lumapit kay P-BBM ay upang maitulad ang programa sa Davao Region na naglaan ang pamahalaan ng P73 bilyon para sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon at hangad umano nila na walang driver, operator at iba pang manggagawa sa transportasyon ang makaranas ng gutom sa tulong nga ng Pangulo.

 

Subalit, sa naging tugon ni P-BBM wala itong balak na palawigin pa at tuloy ang deadline ng consolidation ng public utility vehicles (PUV) sa Disyembre 31.

 

Ang masaklap, dahil magpa-Pasko na at wala namang pagbabago sa kanilang sitwasyon habang nagbabadya pa rin ang banta ng pamahalaan, kaya pinangangambahan nila ang posibleng pagkawala ng kanilang kabuhayan dahil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

 

Ilang tigil-pasada pa ba ang kailangan para pansinin sila ng pamahalaan? May pag-asa pa bang inaasahan ang transport group para hindi matuloy ang deadline sa Disyembre 31.

 

Kaugnay nito, may panuntunang inilabas ang LTFRB na nais nilang sundin ng mga tradisyunal na jeepney para manatili sa pamamasada, ngunit tinututulan ito ng mga transport group at hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang paninindigan ng magkabilang panig.

 

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang transport group kaya nga hanggang sa huli ay naniniwala silang may bisa pa rin ang isinasagawa nilang tigil-pasada.

 

Ilang araw na lang naman, sana hindi humantong sa pighati ang hindi pagkakasundo ng pamahalaan at ng ilang transport group.   

 

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page