ni Gerard Arce @Sports | February 21, 2023
Mga laro ngayong araw (Martes):
(Philsports Arena)
4:00 n.h. – Army Black Mamba vs. Akari Chargers
6:30 n.g. – PLDT High Speed Hitters vs. Chery Tiggo Crossovers
Hahagilapin ng Chery Tiggo Crossovers ang kanilang ika-apat na sunod na panalo at subukang manatiling nag-iisang undefeated na koponan kontra sa konektadong PLDT High Speed Hitters, habang magsasagupa rin ang parehong walang panalo na Army Black Mamba Lady Troopers at Akari Chargers sa pagpapatuloy ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tanging ang Chery Tiggo na lang ang nananatiling koponan na walang talo sa liga na itinuturong isa sa mga dahilan ay ang mahusay na pagmamando ng opensa ni playmaker Alina Bicar na unti-unting dinadala sa mas diretso at swabeng daan patungo sa inaasam na mataas na puwesto ang koponan.
“Alina is now really showing a lot of heart. I can see the aggressiveness. Hindi 'yan masalita, hindi 'yan expressive,” pahayag ni coach Aaron Velez, na muling masusubukan ang kakayanan kontra sa matatayog na manlalaro ng PLDT High Speed Hitters sa tampok na laro sa alas-6:30 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maging si league-leading scorer at team captain Mylene Paat ay hindi maiwasang papurihan ang 25-anyos na 5-foot-6 setter dahil sa ibinibigay nitong leadership sa loob ng court, kahit na medyo maliit ito sa pagiging setter ay hindi nila nararamdaman dahil kahit depensa.
“'Yung leadership niya kasi kumbaga sa barko, siya 'yung captain namin. Ako 'yung captain ng team pero siya 'yung captain ng game,” wika ni Paat, na patuloy na pinangungunahan ang opensiba ng Chery Tiggo. “Short talaga siya, as in short setter. 'Pag once nasa loob siya, hindi namin napi-feel 'yung height niya,” dagdag ni Paat na makakatulong din sina Czarina Carandang, EJ Laure, Shaya Adorador, at Pauline Gaston.
Comments