by Info @Editorial | Mar. 14, 2025

Sa panahon ngayon, sa panibagong isyu sa pulitika, masasabing malaking hamon ang paggamit ng social media.
Mas mabilis kumalat ang balita at mas lantad ang publiko sa maling impormasyon.
Ang social media, na itinuturing na isang makapangyarihang kasangkapan para sa pagpapalaganap ng opinyon at ideya, ay may malaking papel sa paghubog ng pananaw ng mga tao.
Gayunman, ito rin ang pinakamadaling daluyan ng fake news — ang maling impormasyon na maaaring magdulot ng pagkalito at paglala ng mga isyu, lalo na sa mga mainit na usapin sa pulitika.
Kailangan ng triple-ingat na ang ibig sabihin ay tatlong antas ng pag-iingat bago tayo magtiwala, magbahagi o magkomento sa anumang balita.
Una, maging mapanuri. Maglaan ng oras upang tiyakin ang pinagmulan nito. Kung ang impormasyon ay mula sa isang hindi kilalang website, isang social media post, o isang hindi opisyal na source, malaki ang posibilidad na ito ay maling impormasyon.
Maghanap ng mga opisyal na pahayag mula sa mga respetadong media outlets at gobyerno upang tiyakin ang kredibilidad ng balita.
Pangalawa, i-verify ang mga detalye. Karaniwan sa fake news ang paggamit ng mga eksaheradong pahayag, mga hindi kumpletong detalye, o mga maling larawan upang manipulahin ang reaksyon ng mga tao. Siguraduhin na ang impormasyon ay may kasamang sapat na ebidensya at mula sa mga pinagkakatiwalaang source.
Pangatlo, iwasan ang pagpapakalat ng ‘di tiyak na impormasyon. Laging tandaan na kapag tayo ay nagbahagi ng balita, tayo ay nagiging parte ng pagpapalaganap ng impormasyon.
Sana ay maging responsable tayo sa pagbabahagi ng impormasyon sa online, at kung may duda, mas mabuting huwag na lang itong ipakalat hangga’t hindi ito nasusuri nang mabuti.
Ang ating bansa ay nangangailangan ng matalinong mamamayan na hindi basta-basta tumatanggap ng impormasyon, kundi nagsusuri at kumikilos upang protektahan ang katotohanan.
Comentários