ni MC / Ding Taboy - @Sports | October 25, 2020
Matapos sungkitin ng kabayong Heneral Kalentong ang unang yugto ng Philippine Racing Commission Triple Crown sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, nabuhay muli ang pangarap ng beteranong hineteng si JB Guce na umaasam ng sweep sa serye.
Maraming beses na nagwagi sa Triple Crown legs si Guce sa mga kabayong Carriedo, Shining Fame, at ngayon kay Heneral Kalentong, ngunit hindi pa siya naka-sweep.
“History ang habol namin dito (sweep), malaking karangalang sa isang hineteng katulad ko,” ani Guce, na magkakaroon ng pagkakataong sungkitin ang ikalawang panalo sa serye sa darating na Sabado (Oct. 31)
Labing-isang Triple Crown kampeon na ang pumasok sa libro ng kasaysayan, gaya nina Fair and Square in 1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), Kid Molave (2014) at Sepfourteen (2017).
Kumamada sa homestretch ang 3-year-old colt na Heneral Kalentong sa ekspertong paggabay ng beteranong hinete na si JB Guce, upang biguin ang ambisyon ni Cartierruo, na sumabak lamang sa ikalawang karera nito.
"Mas bihasa po siya (Heneral Kalentong) tumakbo, mas may experience kumpara kay Cartierruo," ani Guce, na sinakyan ang kabayo ni Benjamin Abalos Sr. sa unang pagkakataon. "Maayos naman ang larga namin. Diniskartehan ko lang ang kabayo ko na makasunod ng magandang puwesto, kasi ngayon ko lang din sinakyan ito, hindi ko alam kung ano ang laro niya. Napanood ko naman sa mga previous na laro niya na puwede naman siya sumabay, so ganoon na lang ang ginawa ko."
Pumangatlo lang ang Heneral Kalentong sa simula ng karera sa likod ni Four Strong Wing at Runway, bago gumawa ng galaw sa huling 600 metro at kinuha ang kontrol sa karera mula kay Cartierruo. Tinapos ni Heneral Kalentong ang 1,600-metrong karera sa bilis na 1:42.6, na may quartertimes na 24, 24, 26 and 28 seconds.
Nagtamo ng P1.8 million ang may-ari ng Heneral Kalentong na si Abalos Sr. mula sa total na papremyong P3 million na inihain ng Philracom. Si Cartierruo (owner Melanie Habla, jockey KB Abobo) ay pumangalawa at tumanggap ng P675,000, samantalang ang pangatlong si Tifosi (SC Stockfarm, JA Guce) ay sumungkit ng P375,000.
Commentaires