@Buti na lang may SSS | May 7, 2023
Dear SSS,
Magandang araw. Ako ay isang tricyle driver dito sa Quezon City. Batid ko sa araw-araw ng aking pamamasada ay may kalakip itong panganib. Nais kong malaman kung maaari rin ba akong makapaghulog sa SSS? Salamat. —Tirso
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Tirso!
Malugod naming ipinaaalam sa iyo na maaari kang maging miyembro ng SSS bilang self-employed kung ikaw ay namamasada ng tricycle nang walang amo o employer.
Ito ay ayon sa mga itinakda sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 na sinasabing sakop ng SSS ang lahat ng mga self-employed at hindi pa siya umaabot ng 60 taong gulang.
Kabilang dito ang mga propesyonal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyonal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda na sinaklaw. Kabilang din dito ang mga nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, at mga contractual at job order na nagtatrabaho sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang SSS contribution rate ay 14% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P30,000. Maaari mo namang ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon, Tirso sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idedeklara mo. Samantala, ang Schedule o Table of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System. Dagdag dito, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba batay sa iyong aktwal na kinikita.
Halimbawa, Tirso ang idineklara mong buwanang kita ay P10,200. Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa P10,000 monthly salary credit at may kaukulang SSS contribution na P1,400 kada buwan at P10 naman kada buwan ang para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halaga ng kontribusyon na P1,410 kada buwan.
Para sa iyong kaalaman, Tirso, ang EC Program ay para sa mga work-related contingencies bunsod ng pagkakasakit, pagkabalda, o pagkamatay na maaaring mangyari sa self-employed na gaya mo habang nagtatrabaho. Dagdag-proteksyon ito bukod sa regular SSS benefits na matatanggap mo sa hinaharap.
Kung wala ka pang SS number, maaari ka na ring mag-apply sa pamamamagitan ng online.
Magtungo lamang sa SSS website at i-click ang link sa No SS Number Yet? Apply Online!
Kung ikaw ay may SS number, maaari na ring i-update ang membership mo rito sa online. Kinakailangan lamang na nakapagrehistro ka sa My.SSS na matatagpuan din sa SSS website. Dagdag dito, kailangan mo rin ang mga dokumentong tulad ng certified true copy ng iyong birth certificate upang mabigyan ka ng SS number. Kung wala kang birth certificate, maaaring isumite ang alinman sa mga sumusunod: baptismal certificate; driver’s license, passport; Professional Regulation Commission (PRC) card; o Seaman’s Book. Kung wala ang mga nasabing cards o dokumento, maaari kang magpasa ng dalawang valid IDs gaya ng postal, voter’s ID, atbp.
Matapos nito, maaari ka nang magbayad ng iyong kontribusyon kada buwan o quarterly. Para makapagbayad ka naman ng iyong kontribusyon, kailangan mo munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad.
Maaari kang makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangan mong mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.
Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen.
Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon gaya ng buwan, halaga ng babayarang kontribusyon at type ng membership. Kapag naibigay mo na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap mo ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari mo itong i-download bilang PDF o magtuloy na sa pagbabayad.
Maaari ka ring magbayad ng iyong kontribusyon gamit ang SSS Mobile App, e-wallet tulad ng GCash o iba pang online payment channels. Gayundin, maaari mo itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng Security Bank at Union Bank of the Philippines, SSS tellering facility, mga accredited payment centers, at mga accredited partner agents ng SSS.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment o bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
תגובות