ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 18, 2023
Posibleng matulad ang sitwasyon ng mga tricycle sa iba’t ibang bahagi ng bansa na isang araw ay pagbalakan na ring alisin ng pamahalaan dahil sa pagdagsa ng mga reklamo at pagsulpot ng alternatibong sasakyan.
Pinangangambahang mauwi rin sa iba’t ibang protesta ang samahan ng mga tricycle sa bansa tulad ng kinahantungan ng tradisyunal jeepney na ngayon ay binigyan lamang ng palugit hanggang Disyembre 31, 2023 upang makatugon sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ngunit dahil sa pagsulpot ng modernisasyon, tila napabayaan ang bawat tricycle operator kung paano nila ididisenyo ang sidecar na kanilang ikinakabit sa kanilang motorsiklo at wala namang sinusunod na standard na sukat at disenyo.
Ang nangyayari sa kasalukuyan, basta may isang talyer sa isang barangay na nakagawa ng sa tingin nila ay magandang hitsura ng sidecar, lahat ay gumagaya hanggang sa mauso na ang disenyo.
Kapansin-pansin na bawat lugar o rehiyon ay may namamasada o bumabiyaheng tricycle, ngunit may kani-kanya silang disenyo ng pagkakakilanlan na kinagisnang kalakaran sa industriya ng mga samahan ng tricycle.
Kung magagawi kayo sa bahagi ng Laguna, Batangas hanggang lalawigan ng Quezon, makikita n’yo na ang disensyo ng sidecar ay may kalakihan na maluwag para sa dalawang pasahero at may lalagyan pa ng bagahe sa likod.
Ngunit dahil sa pagpasok ng makabagong uso at kabataang tricycle driver, unti-unti na ring nagiging lowered ang disenyo o mas mababa ang bubong nito kumpara sa nakasanayan, kaya may mga nagrereklamo na ring pasehero dahil medyo nakayuko na sila sa loob ng sidecar.
Mas malala ang sitwasyon kung magtutungo kayo sa bahagi ng Nueva Ecija at mga kalapit-bayan dahil usong-uso ru’n ang paliitan ng sidecar ng tricycle at bahagyang nakasubsob pa ang bubong nito.
Kung sasakay ang dalawang pasahero, halos hindi talaga magkasya at kailangan, ang isang pasahero ay bahagyang umurong para kalahating puwit lamang ang nakaupo at hindi talaga puwedeng sumandal dahil sobrang liit ng sidecar.
Hindi rin puwedeng maupo nang maayos tulad ng ordinaryong bus o jeepney na diretso ang likod at nakasandal sa upuan dahil napakababa rin ng bubong na talagang kailangan pang yumuko para magkasya, kaya ang resulta—hirap na hirap ang mga pasahero.
Higit na kaawa-awa kung ang sasakay sa mga tricycle na tulad nito ang mga senior citizen at kababayan nating Persons With Disabilities (PWD) dahil tiyak na sobrang hirap ang dadanasin bago makarating sa paroroonan.
Sa lahat ng pampasaherong sasakyan sa buong Pilipinas, tanging tricycle ang may opsyon ang pasahero kung special o regular—ibig sabihin, kung regular ay hindi ito aalis hangga’t hindi puno ang likod at sidecar ng tricycle, ngunit ‘pag special kahit solo ang pasahero ay aalis na, pero nakayuko pa rin sa loob.
Ibig sabihin, imbes na gumanda ang sarili nating tricycle, paurong ang disenyo at masyadong makasarili dahil wala silang pakialam sa kalagayan ng pasahero, na kahit kumpleto naman ang ibinabayad ay hirap na hirap sa sitwasyon.
Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng pagkakataong makapasok sa merkado ang imported na tricycle na karaniwan ay galing sa India, na kilala ngayon sa ating bansa sa tawag na ‘Bajaj’ o ‘Tok-tok’ na mabilis pa sa kabute ang pagdami.
Hindi rin mahuli-huli kahit tumatawid sa highway ang ‘Bajaj’ o ‘Tok-tok’ dahil hindi nila ikinukonsiderang tricycle ang kanilang tatlong gulong na sasakyan at pinayagan bilang new vehicle, kung saan sila-sila lang ang nag-usap at nagdesisyon.
Sabagay, kung pasahero ang tatanungin, ‘di hamak na mas komportableng sumakay sa ‘Bajaj’ o ‘Tok-tok’ dahil maluwag, relaks, kasya ang pasahero at kahit malayo ang biyahe ay hindi sasakit ang likod sa pareho ring pamasahe.
Dalawang senaryo ang nakikita natin dito— magkukumahog na naman ang pamahalaan para isaayos ang hindi na mapigilang pagdami ng ‘Bajaj’ o ‘Tok-tok’ o magkakaroon ng protesta ang tradsiyunal na tricycle dahil tinatalo na sila ng naturang sasakyan.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentários