ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 30, 2023
Kung susundan natin ang tinatahak na direksyon ng pamahalaan ay parang sa pagkaubos na ng tradisyunal na jeepney tayo hahantong lalo pa at tila wala nang patutunguhan ang mga protestang isinasagawa ng ilan sa ating transport group.
Sa pinakahuling pahayag ng mga tutol na transport group sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay tanging awa na lamang ang kanilang inaasahan mula sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) na mapagbibigyan pa ang kanilang hiling.
Maging ang Department of Transportation (DOTr) ay matigas ang paninindigan na tuloy pa rin ang itinakdang deadline bukas, Disyembre 31, 2023 na sa tingin ng mga tradisyunal na jeepney ay katapusan na ng kanilang hanapbuhay.
Tingnan din natin, baka sa huling sandali ng mga pagkilos ay maglabas ng desisyon ang Korte Suprema kung saan kasalukuyang nagsampa ng petisyon ang mga tutol na transport group na ituloy ang itinakdang deadline.
Ang isa pa sa kinakaharap nating problema sa transportasyon ay ang bantang pagkawala na rin ng mga tricycle sa bansa na malaking sektor ng ating lipunan na sa pamamasada lamang nabubuhay.
Hindi magandang pagsalubong sa Bagong Taon, na hindi pa nareresolba ang problema sa tradisyunal na jeepney ay heto at may banta naman sa kalagayan ng ating mga ‘kagulong’ na ang tanging pinagkakakitaan ay ang pagmamaneho ng tricycle.
Umugong ang balita hinggil sa tuluyan nang pagwalis ng tricycle sa maraming bahagi ng bansa dahil sa plano ng pamahalaan na mas palawigin pa ang paggamit ng motorcycle taxi sa mas maraming lugar sa labas ng Metro Manila.
Ito ay dahil sa nararamdaman na umano ang unti-unting pagkamatay ng hanapbuhay na pagmamaneho ng tricycle sa National Capital Region dahil sa sobrang dami, ayon sa National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP).
Tila nagtutugma rin ito sa pahayag ni Land Transportation Office (LTO) chief Vigor Mendoza na batay sa ulat ng Department of Transportation Technical Working Group (DOTr-TWG), may mga lugar na umanong tinitingnan upang i-pilot run ang motorcycle taxi.
Ang mga lugar ng Cavite, Rizal, Laguna, Batangas, Iloilo, Bacolod, Pampanga, Davao, Zamboanga, Legazpi, General Santos, Pangasinan, at Baguio, ang pinag-aaralang mga lugar na mas palalakasin ang naturang transportasyon.
Ang pilot run ay kasalukuyang sumasaklaw sa tatlong lugar: Metro Manila, Cebu, at Cagayan de Oro na ino-operate ng Angkas, JoyRide, at Move It.
Samantala, habang umiinit ang usapin sa tricycle ay patuloy ang pagdagsa ng trike mula sa India na halos lahat ng bahagi ng bansa ay may makikita nang bumibiyahe dahil sa ito ang kinagigiliwan ng ating mga kababayan.
Hindi pa kumpirmado kung ano ang opisyal na itatawag sa bagong sasakyan na ito ngunit ang trike ay tinutukoy ding ‘Toktok’ ng ilan. Sa bandang Cavite ay pinangalanan itong ‘Bokyo’ at may ilan naman na itinuturing itong ‘Trike Bajaj’.
Lima hanggang anim na komportableng pasahero ang kayang isakay ng trike na ito na bukod sa balance, kumpara sa tricycle na siksikan na ang apat na tao, ay hirap na hirap pa sa napakakipot na sidecar.
Marami na sa ating mga tricycle driver ang lumipat sa pagmamaneho ng trike na ito dahil maliban sa malakas ang makina at maraming sakay ay pareho lang naman ang konsumo sa gasolina ng tricycle.
Kahit saan ka lumingon sa ngayon ay naglipana na ang trike na ito, kaya hindi malayong sa mga susunod na linggo ay ang mga grupo naman ng tradisyunal na tricycle ang magpoprotesta dahil sa inaalis na rin sila sa paghahanapbuhay.
Sana bago pa man sumapit ang kinatatakutang sitwasyon ng mga tricycle sa bansa ay mapag-aralan na ng pamahalaan kung paano isasalba ang kanilang hanapbuhay dahil mas pinipili na sa ngayon ng mga pasahero ang trike — maging de gasolina man o electric.
Maliban sa mga lugar na wala pang pagpipilian kundi tricycle lamang!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentários