ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 09, 2021
Bumubuti na ang kalagayan ni Arland Macasieb, ang two-time Southeast Asian Games bronze medallist sa Men’s Individual Triathlon, matapos maaksidente nitong Setyembre 4 habang nagbibisikleta sa Fairfield, New Jersey. Sumailalim na si Macasieb sa operasyon sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at nakakasalita na ng kaunti subalit nananatili pa rin sa Intensive Care Unit ng ospital ayon sa pahayag ng kanyang pamilya.
Ayon sa ulat ng pulis, binangga ang Fil-Am triathlete ng kotse na minamaneho ng nakilalang si John Lehr at kinaladkad ng tinatayang 100 talampakan o mahigit 30 metro. Sinusubukan lumipat ng lane si Lehr ngunit hindi niya nakita si Macasieb.
Bumuhos agad ang suporta at dasal para kay Macasieb mula sa kanyang mga kasamahan sa Triathlon Association of the Philippines (TRAP). Nagsimula rin ng kampanya upang makalikom ng pondo para tumulong sa mga gastos sa pagpapagamot.
Maliban sa kanyang 2 tanso sa SEAG noong 2005 sa Subic at 2007 sa Thailand, mahaba ang listahan ng mga napagwagian at naabot ni Macasieb bilang atleta at coach. Kahit mas tutok na siya sa pagiging coach, sumasali pa rin siya ng mga karera.
Nitong taon, naging kandidato ang 46 anyos na si Macasieb na maging coach ng pambansang koponan ng Northern Marianas. Nakilala siya doon matapos sumali sa ilang malalaking karera sa isla. Tumatak sa mga tagasubaybay ng Triathlon ang kinagawiang baliktad na pagtawid ni Macasieb sa finish line gamit ang kamay imbes na ang paa. Sa ngayon, matatagalan pa bago masasaksihan itong muli.
Comments