ni Thea Janica Teh | December 31, 2020
Binawi ng Malacañang ang una nitong pahayag na kasama na ang United States sa mga bansang nakapailalim sa travel restriction sa Pilipinas dahil sa natuklasang bagong variant ng COVID-19.
Matatandaang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na epektibo na agad ang travel restriction sa US.
Ngunit, sa ipinadala nitong statement ngayong Miyerkules nang gabi, sinabi nito na sinusuportahan niya ang pahayag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na nakikipag-usap pa ang Department of Health sa World Health Organization at sa International Health Regulations Focal Point sa US para makakalap ng impormasyon tungkol sa bagong variant ng COVID-19.
Habang hinihintay ang kumpirmasyon, ipinaalala ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na sumailalim at tapusin ang 14-day quarantine bago pumasok ng bansa kahit pa magnegatibo ito sa RT-PCR test.
Sa ngayon ay nasa 20 bansa na, kabilang ang United Kingdom, ang nakapailalim sa travel restriction sa Pilipinas hanggang Enero 15, 2021.
Kommentare