ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Nov. 14, 2024
Dahil sa sunud-sunod na pananalasa ng bagyo, isang isyu na kailangang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ay ang “typhoon fatigue” na dinaranas ng mga naapektuhan ng bagyo.
Matinding trauma ang naidudulot ng kalamidad sa mga evacuees na paroo’t parito sa kanilang tahanan at evacuation center, lalo na sa mga bata.
Mula nang tumama ang Bagyong Julian noong huling linggo ng September, nagsunud-sunod ang pagpasok ng mga cyclone sa bansa, lalo na sa nakaraang tatlong linggo. Sa Northern Luzon, tumama ang lima sa huling anim na cyclone na pumasok sa bansa.
☻☻☻
Mahalagang tugunan ang malawakang depresyon na dala ng kawalan ng pag-asa at takot na posibleng maranasan ng ating mga kababayan.
Magandang hakbang ang paglagay ng mga prayer room, counseling desk, at maging study area sa mga evacuation center na binanggit ni Civil Defense Administrator Ariel Nepomuceno na ginagawa na.
Kailangan ding magbigay ng follow-up at monitoring services ang mga ahensya gaya ng Department of Health at Department of Social Welfare and Development sa mga nakaranas ng trauma dahil sa bagyo.
☻☻☻
Ngunit bukod sa agarang pagtingin sa mental health ng ating mga kababayan, ang pinakamainam na gawin ng pamahalaan ay ipakita na may ginagawa ito upang mabigyan ng seguridad ang ating mga pamayanan laban sa lumalalang epekto ng nagbabagong klima.
Ito ang bagong realidad natin, kaya’t sa lalong madaling panahon ay kailangang tutukan na natin ang mga dapat gawin upang maging mas handa tayong harapin ang pinakamalaking hamon ng kasalukuyan at hinaharap.
Sa ating mga kababayang nasalanta, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Magtutulungan tayo upang malagpasan ang pagsubok na ito.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments