ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 9, 2021
Ngayong araw, Enero 9, ipinagdiriwang ang Pista ng Itim na Nazareno.
Bagama’t wala ang nakasanayang parada ng poon, handa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa okasyong ito.
Para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng selebrasyon, nagtalaga ang Manila Police District ng 6,000 hanggang 7,000 pulis at dagdag na humigit-kumulang 20,000 pulis mula sa iba’t ibang police districts ng NCRPO.
Gayunman, aminado si NCRPO Chief Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. na malaking hamon sa kanila ang pagpapatupad ng minimum health standard dahil sa pandemya, gayung mayroon pang bagong strain ng COVID-19, na sinasabing mas mabilis makahawa.
Samantala, mayroong restrictions sa kasagsagan ng Traslacion 2021 upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.
Kabilang sa mga restriksiyon ang pagbabawal sa mga vendor sa bisinidad ng Quiapo Church, gayundin, hindi maaaring magdala o gumamit ang mga deboto ng backpacks at colored canisters, habang transparent plastic bags o transparent water containers lamang ang papayagan.
Habang ginagawa ng mga awtoridad ang kanilang parte upang mapanatiling payapa at maayos ang selebrasyon, bilang deboto, tayo ay may dapat ding gawin.
Kung nais nating maitaguyod nang maayos ang okasyong ito, hiling natin ang kooperasyon ng bawat isa.
Tiyaking nasa tamang kondisyon ang katawan bago pumunta sa simbahan, at kung alanganin ang kondisyon, ‘wag na munang pumunta at sa bahay na lang manalangin.
Maging responsable tayong deboto at iwasang magpasaway dahil hindi ito makatutulong.
Hangad nating maging mapayapa ang selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno sa gitna ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments