top of page
Search
BULGAR

Transport groups, watak-watak na sa jeepney phaseout

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 18, 2023


Sa halip na tutukan natin ang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ay biglang umeksena itong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers transport group (Manibela) na magsasagawa ng tatlong araw na protesta na natapat sa mismong araw na Hulyo 24 hanggang 26.


Ayon sa Manibela, nagkataon lang umano na nasabay sa SONA ang isasagawang tigil-pasada at hindi ito sinasadya. Ngunit, marami ang nagdududa na hindi ito nagkataon lang bagkus intensyunal para umani ng atensyon.


Mabigat ang panawagan ng Manibela dahil nais nilang mapalawig pa ng limang taon ang kanilang prangkisa na nakatakda nang wakasan sa darating na Disyembre 31 sanhi ng planong modernisasyon.


Sa ngayon, may bisa lamang na isang taon ang prangkisa ng mga tradisyunal na jeepney na labis na pinangangambahan ng mga kaanib ng Manibela na posibleng hindi na sila ma-renew sakaling hindi sila makasunod sa itinakdang deadline ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Ayon kay Manibela National President Mar Valbuena, ang isa sa mga nilalaman ng kanilang protesta ay ang walang habas na pamamahagi ng ruta sa iba’t ibang korporasyon at indibidwal na may kapasidad na labis na ipinag-aalala ng mga tsuper at operator na walang kapasidad.


Kasabay nito, isinumite ng Manibela sa Senate committee on public services ang mga dokumento kung saan ibinigay ng Department of Transportation (DOTr) ang ruta ng mga pampasaherong jeepney sa mga pulitiko at korporasyon.


Sinabi ni Valbuena na handa siyang isiwalat ang pangalan ng mga pulitiko sa isang public hearing ng Senado upang magkaroon ng immunity sa kaso at ibinigay din nila sa LTFRB ang mga kahalintulad na dokumento.


Magkagayunman, hindi umano umaasa ang Manibela na kakausapin sila ni DOTr Secretary Jaime Bautista para awatin sa itinakda nilang tigil-pasada sa Hulyo 24 dahil seryoso itong walisin umano ang mga jeepney driver sa kalsada.


Paliwanag pa ni Valbuena, wala umano silang laban sa DOTr secretary dahil ordinaryong driver lamang sila.


Ipinoprotesta ng Manibela ang tuluy-tuloy na pag-award ng LTFRB ng Local Public Transport Route Plan sa mga pulitiko at korporasyon dahilan para unti-unting mawalis sa kalsada ang mga tradisyunal na jeepney sa buong bansa.


Nais ng Manibela na mapatalsik umano si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III at lahat ng mga regional director ng ahensya dahil sa kabiguan nilang tugunan ang hinaing ng mga apektadong jeepney driver.


Ang masaklap sa isasagawang protesta ng Manibela, hindi sila suportado ng ilang transport group tulad ng Pasang Masda at ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines na hindi sang-ayon sa kanilang ipinaglalaban.


Samantala, ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) ay magsasagawa rin ng bukod na protesta sa Hulyo 17 at 24 na tinututulan din ang phaseout ng tradisyunal na jeepney at Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Tinatayang aabot ng halos 200,000 public utility vehicle ang lalahok sa transport strike na hindi naman alintana ng LTFRB at sa halip ay sususpendihin pa umano ang prangkisa ng mga lalahok sa tigil-pasada.


Dahil sa pagkakawatak-watak ng iba’t ibang samahan ng mga transport group ay posibleng maapektuhan ang kanilang ipinaglalaban na iisa lang ang layunin -- ang mapanatli ang tradisyunal na jeepney.


Kaya marahil, ngayon pa lamang ay humahalakhak na ang LTFRB at DOTr dahil sa paksiyong nangyayari kung saan ang mga hindi lalahok sa tigil-pasada ay sila namang aalalay sa mga pasahero para walang ma-stranded.


Maganda ang layunin ng pamahalaan hinggil sa modernisayon ngunit hindi nagkakasundo-sundo sa pagpapatupad nito. Parehong may katuwiran ang transport group at ahensya ng pamahalan na alam naman nating isa lang ang dapat na masunod.


Paulit-ulit na parehong nagbabanta ang magkabilang panig, abangan na lamang natin kung sino ang magtatagumpay para matapos na ito at hindi na maapektuhan ang ating mga mananakay.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page