ni Mai Ancheta @News | August 12, 2023
Humingi ng dagdag na P2 sa pamasahe sa jeep ang apat na transport groups upang makabawi sa mataas na presyo sa produktong petrolyo.
Naghain ng petisyon nitong Biyernes ng umaga sa tanggapan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III ang mga grupong Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, FEJODAP, PISTON, at Stop and Go Movement upang payagan silang magdagdag ng P2 singil sa pamasahe sa unang apat na kilometro ng biyahe.
Ayon kay LTOP President Orlando Marquez, hindi na nila kayang balikatin ang sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na umabot na aniya ng P10 ang itinaas kada litro simula noong Hulyo.
Tumaas din umano nang sobra-sobra ang presyo ng piyesa ng mga sasakyan na dagdag-pahirap sa mga tsuper at operators
Humiling ng pang-unawa si Marquez sa mga pasahero dahil nahihirapan na sila sa walang tigil na pagtaas sa presyo ng petrolyo at halos kakarampot na lamang ang naiuuwing kita sa kanilang pamilya.
Kapag maaprubahan ang petisyon ng public transport groups, magiging P14 na ang minimum na pamasahe mula sa kasalukuyang P12.
Comments