top of page
Search
BULGAR

Transport group kahit maglupasay, jeepney phaseout, tuloy

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 25, 2023


Tila sa wala rin hahantong ang ilang araw na tigil-pasada na pinagtulungan ng grupong PISTON at MANIBELA makaraang hindi naman nila natinag ang paninindigan ng Department of Transportation (DOTr) hanggang sa huling araw ng protesta kahapon.


Hati ang opinyon ng taumbayan sa pangyayaring ito dahil sa panahon ng Kapaskuhan ay medyo emosyonal ang mahihirap nating kababayan na kumikiling sa panig ng mga tsuper at operator na nakatakdang mawalan ng hanapbuhay kung hindi susunod sa mga bagong patakaran.


Ngunit, marami rin tayong kababayan na tuwang-tuwa sa modernisasyon dahil sa mawawala na ang mga sobrang tandang sasakyan sa lansangan na hindi na takot mabangga kaya walang ingat sa pagmamaneho.


Nitong huling mga araw ng tigil-pasada ay ibinulgar ng MANIBELA na halos kalahati ng mga modernized jeepney sa Metro Manila ay hinatak na ng bangko dahil hindi makapagbayad ng hulog ang mga operator na kanilang kinatatakutan.


Karamihan umano sa mga na-repossess ay nakatambak sa property ng Land Bank of the Philippines (Landbank) sa Marikina City at habang lumilipas ang mga araw ay naluluma hanggang sa hindi na pakinabangan ang mga nahatak na sasakyan.


Kung totoo ang ulat na ito ng MANIBELA imbes nga naman na makatulong ang programa ay nawalan pa ng pagkakakitaan ang mga operator at driver dahil nahatak ang kanilang mga ibinabiyaheng sasakyan.


Ang resultang ito ay dahil sa pamimilit umano ng DOTr sa mga jeepney operator na bumili ng modernized jeepney gayung napakamahal na nito ngayon at halos umaabot na ng P3 milyon.


Kaya nauunawaan din natin kung bakit mariin ang pagtutol ng grupong PISTON at MANIBELA sa Public Utility Modernization Program (PUVMP) kung saan nagtakda ng deadline ang DOTr hanggang Disyembre 31, 2023 para mag-consolidate ang mga operator at driver.


Kaso nagwakas ang protesta ng PISTON at MANIBELA na tila hindi naman nakuha ang kanilang pakay dahil sa rami rin ng pampasaherong jeepney na hindi nakisama sa kanilang ipinaglalaban ngunit umaasang ipapanalo nila ang kapakanan ng mga nabubuhay sa tradisyunal na jeepney.


Hanggang sa huling sandali ng isinagawang tigil-pasada ay naninindigan si DOTr Secretary Jaime Bautista na non-negotiable umano ang programa ng gobyerno sa jeepney modernization.


Handa umano ang pamahalaan na ibigay ang ilan sa mga demand ng mga nagwewelgang tsuper at operator maliban sa PUV modernization program. Kumbaga, kahit maglupasay pa ang mga ito ay wala talagang mangyayari.


Ang tinutukoy na non-negotiable ay ‘yung industry consolidation dahil kailangang-kailangan umano ng players na pagsama-samahin sa kooperatiba o korporasyon kaya nagtakda ng deadline para rito sa Disyembre 31, 2023.


Ito lang naman ang tinututulan ng mga nagpoprotestang mga driver at operator dahil ang paniwala nila ay simula na ng phaseout ng tradisyunal na jeepney sa oras na ipinatupad na ang deadline sa consolidation sa Disyembre 31.


Matatandaan na hinihikayat ng DOTr ang mga tsuper at operator na bumuo ng kooperatiba upang madali umano silang makautang o makapag-apply ng loan sa pagbili ng modernized jeepney kaya nagsimula ang mga protesta.


Bahagi ng demand ng nagwelgang PISTON at MANIBELA ay ang pagtanggal sa Disyembre 31 deadline ng consolidation, ibalik sa limang taon ang prangkisa ng jeepney at ibasura umano ang memo circular para sa paggamit ng Euro 4 makina ng sasakyan.


Kaso, matatag ang paninindigan ni DOTr Sec. Bautista na nagsabing sanay na umano sila sa isinasagawang transport strike kaya nga nito binitawan ang katagang non-negotiable sa programa ng pamahalaan hinggil sa jeepney modernization.


Ito ang ikinatatakot ng transport group, ang hindi na nila matinag ang pamahalaan sa kanilang protesta dahil kayang-kaya nang paghandaan ang mga sitwasyon kung libreng sasakyan din lang ang pag-uusapan.


Kung titingnan natin ang direksyon ng mga pangyayari at mananatiling hindi naman 100% na napaparalisa ng tigil-pasada ang takbo ng kabuhayan ay tila hindi naman sapat ang epekto nito — at dahil dito ay hindi malayong maganap na ang kinatatakutang deadline ng mga operator at driver sa Disyembre 31, 2023. Abangan!

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page