ni Jeff Tumbado | June 6, 2023
Ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawin na lamang opsyonal ang online na pagkuha ng dokumento o paghahain ng iba pang request para sa ilang piling transaksyon sa ahensya.
Alinsunod ito sa Memorandum Circular No. 2023-019 na inilabas ng LTFRB Board upang amyendahan at baguhin ang Memorandum Circular No. 2020-016 na unang inisyu noong ika-19 ng Abril 2020.
Sa unang inilabas na memorandum, kinakailangan na isagawa online ang paghahain ng request para sa ilang transaksyon tulad ng Request for Special Permit, Request for Confirmation of Units, Request for Franchise Verification, Correction of Typographical Error, at Request for Issuance of Extension of Provisional Authority. Ito ay sa gitna ng pagpapatupad ng general community quarantine sa mga lugar na itinuturing na "low" o
"moderate risk areas" dahil sa COVID-19.
Gayunman, sa bagong inilabas na memorandum, pinahihintulutan na ngayon ang personal na paghahain ng request para sa mga nabanggit na transaksyon.
Sa kabila nito, inihayag ng LTFRB Board na kinakailangan pa ring bayaran ang filing fees para sa mga nasabing transaksyon, personal man o online ito isinagawa.
Nakasaad din sa bagong memorandum na bagama't umiiral pa rin ang COVID-19, lubos namang nababawasan ang epekto nito sa iba't ibang aspeto, partikular na sa kakayahang kumilos ng mga tao.
Σχόλια