top of page
Search
BULGAR

Training sa mga titser para ready sa bagong kurikulum

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 24, 2023

Isang dahilan kung bakit pinaiigting natin ang pagkakaroon ng Teacher Education Council o TEC ay dahil sa kawalan ng koneksyon sa pagitan ng edukasyon ng mga guro noong sila ay nasa kolehiyo pa at kapag nagtuturo na sila sa mga paaralan. Ang nagiging problema, ituturo ng ating mga guro sa kanilang mga mag-aaral ang isang curriculum na hindi naman nila ginamit sa pagsasanay nila sa kolehiyo. Ito ngayon ang isa sa kinakaharap na suliranin ng sistema ng edukasyon sa bansa.


Kaya naman mariing iginigiit ng inyong lingkod ang panawagan sa TEC na siguruhing nakahanay ang pagsasanay at edukasyon ng mga guro sa kalulunsad lamang na K to 10 MATATAG curriculum.


Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education (Republic Act No. 11713), ang Kalihim ng Edukasyon ang itinalagang chairperson sa pinaigting na Teacher Education Council na may mandatong iangat ang pagsasanay at edukasyon ng mga guro. Mandato rin ng TEC na magtalaga ng basic requirements para sa mga teacher education programs o kurso sa edukasyon.


Nakasaad din sa batas na tungkulin ng TEC na paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC) upang matiyak ang ugnayan ng pre-service o ‘yung training at edukasyon ng mga guro mula kolehiyo hanggang sa in-service o ‘yung panahon na nagtuturo na sila sa mga paaralan.


Bahagi ng responsibilidad at kapangyarihan ng Council na iugnay ang bagong curriculum sa mga polisiya, pamantayan, at mga guidelines sa mga kurso ng edukasyon sa kolehiyo.


Sa ilalim din ng naturang batas, ang Quality Pre-service Teacher Education Office, ay minamandatong makipag-ugnayan sa iba’t ibang Teacher Education Institutions (TEIs) upang magbahagi ng mga pinagkukunang resources, kasanayan, pananaliksik, at iba pang mga pinakamahusay na pamamaraan para mapagbuti ang mga teacher education programs.


Iminamandato rin ang pagsasagawa ng pagsusuri para sa intelligent assessment ng Council sa nilalaman ng pagsusulit para sa licensure exam ng mga guro.


Muli rin nating hinihimok ang DepEd na tiyaking may pormal na dokumentasyon at pag-aaral sa pilot run ng MATATAG K to 10 curriculum, na sinimulan noong Setyembre 25 sa 35 na piling paaralan sa pitong rehiyon. Makakatulong sa polisiya ng DepEd ang magiging mga aral mula sa pilot implementation—kabilang na ang feedback mula sa mga mag-aaral at mga guro. Dapat ding tiyakin nating handa ang mga dekalidad na learning materials hanggang sa maipatupad nang ganap ang bagong curriculum.


Kailangan nating kumilos lalo na’t may bago tayong curriculum. Sa pagsugpo natin sa krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon, mahalagang magarantiya natin na handa at may sapat na kakayahan ang ating mga guro.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page