top of page
Search
BULGAR

Training ng high-ranking AFP officials sa China, stop

ni Mylene Alfonso @News | August 9, 2023




Gusto nang patuldukan ni Senator Raffy Tulfo ang pagsasanay at pag-aaral ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa China.


Ito ay makaraang umalma si Tulfo nang malaman na ang gobyerno ay may programa na nagpapadala ng mga high-ranking Armed Forces of the Philippines (AFP) officers sa China upang mag-aral at mag-training sa kanilang military academy roon at all expenses paid ng Chinese government.


Ang naturang impormasyon ay isiniwalat ni Sen. Francis Tolentino na kinumpirma naman ni Usec. Ireneo Espino ng Department of National Defense sa pagdinig ng Committee on National Defense na pinamumunuan ni Sen. Jinggoy Estrada.


"Malaking insulto ito sa atin! Kung iisipin na walang patid ang ginagawang pangha-harass at pambu-bully ng Chinese military sa mga miyembro ng ating AFP sa West Philippine Sea," diin ni Tulfo.


Matatandaang ang pinakabagong insidente ay noong August 5 kung saan binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang mga kawani ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na maghahatid lang sana ng supply sa mga tropa nila sa Ayungin Shoal.


Kaugnay nito, kinondena ni Senadora Imee Marcos ang pagkanyon ng tubig ng CCG sa PCG resupply mission sa Ayungin Shoal.


Ang Pilipinas at China ay kapwa lumagda sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagtataguyod ng konsepto ng sovereign rights o karapatan sa soberanya sa loob ng exclusive economic zone ng bansa at ang inosenteng pagdaan sa loob ng territorial sea ng isang bansa.


Kailangan aniyang madaliin ng mga departamento ng Foreign Affairs at Defense na mahingan nila ng paliwanag ang kanilang mga Chinese counterpart para sa hindi nararapat at malinaw na ilegal na pagbomba ng tubig sa ating Coast Guard.


"Dapat din nating tiyakin na ang ating Coast Guard ay maarmasan ng mahuhusay na pangdepensa at hindi gaanong umaasa sa mga dayuhang bansa na itinutulak ang pansariling interes," pahayag ni Imee.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page