top of page
Search
BULGAR

Tradisyunal na jeepney, talaga bang next month na lang?!

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 13, 2023


Ilang ulit nang pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para sa mga tradisyunal na jeepney at tulad ng dati ay hinihimok pa rin nila ang mga ito na magsama-sama at sumali sa mga umiiral na kooperatiba upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon.


Ayon sa LTFRB, umaasa silang ang extension ay makakahikayat ng mas maraming operator at driver na sumali sa isang kooperatiba o bumuo ng korporasyon bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.


Ibig sabihin, wala namang bagong sinasabi ang LTFRB kundi ang muling ipaalala ang kanilang Memorandum Circular No. 2023-013, na ang mga tradisyunal na jeepney driver at operator ay kinakailangang sumapi sa isang kooperatiba o bumuo ng korporasyon bago ang itinakdang deadline para palawigin ang bisa ng kanilang provisional authority (PA) o prangkisa.


Hunyo 30 ang itinakdang deadline, at ang sabi ng LTFRB ay wala nang makakapagbago ng kanilang desisyon, maliban na lamang sa mga jeepney na susunod sa kanilang ipinatutupad na panuntunan na maaari pa ring sumama ang mga operator at driver sa mga ruta ng jeepney na mayroon nang kooperatiba o korporasyon.


Ilang ulit nang nagtakda ng deadline ang LTFRB at ang huli ay noong Marso, nais nilang pagsama-samahin ang mga jeepney, ngunit tumutol ang mga transport group.


Ngayon ay wala namang inilalabas na ulat ang LTFRB hinggil sa kalagayan ng ating jeepney driver o kung umuusad ba ang kanilang nais, na ang mga operator na dumaraan sa mga ruta na hindi pa nakabuo ng isang kooperatiba o korporasyon at hindi pa naghain ng aplikasyon ay maaari pa ring bumuo ng isang juridical entity hanggang Hunyo 30.


Halos nakukulele na ang tainga ng mga driver at operator na dapat ang nasabing entity ay accredited sa ilalim ng Office of the Transport Cooperative o nakarehistro sa Securities and Exchange Commission hanggang Agosto 31.


Ang mga naturang entity umano ay dapat ding maghain ng aplikasyon para sa pagsasama-sama ng prangkisa bago ang Oktubre 31 upang mapalawig ang bisa ng kanilang PA na mariing tinututulan ng mga transport group.


Maliban sa extension ay wala naman tayong nakikitang ibang galawan sa pagitan ng LTFRB at mga driver at operator ng tradisyunal na jeepney, na ang iba ay hindi pa rin gumagalaw hanggang ngayon sa kabila ng banta ng phaseout sa Hunyo 30.


Sa halip kasi na sumunod sa hiling ng LTFRB, maraming transport group ang nakikitang nakikipagdayalogo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagbabakasakaling mapakinggan ang kanilang hinaing.


Ang iba naman nating kababayan ay hindi naniniwala na matutupad na ang itinakdang deadline sa Hunyo 30 dahil palagi na lamang nagtatakda, ngunit palagi ring pinalalawig ng pamahalaan.


Ang tingin ng maraming tsuper at operator, magiging negatibosa publiko ang pamahalaan kung ipipilit nila ang phaseout, kaya malakas ang kanilang loob na magmatigas, lalo na at wala namang nakahandang programa para sa mga tsuper at operator na mawawalan ng hanapbuhay.


Hindi naman natin masisi ang LTFRB dahil sinusunod lamang nila ang kanilang mandato hinggil sa modernisasyon ng transportasyon, kaya lang, hindi naman sapat ang kanilang ngipin para ipatupad ito dahil may boses din ang mga transport group.


Sa ngayon, umaasa ang LTFRB na sa darating na Hunyo 30 ay tapos na ang problema sa mga tradisyunal na jeepney at buo naman ang loob ng mga transport group na hindi sila kayang tiisin ng pamahalaan, kaya ang inaasahang mangyayari ay muling mapapalawig ang deadline hanggang Disyembre.


Kaya hangga’t may panahon, sana ay sipatin naman natin na hindi lang basta katigasan ng ulo ang pinaiiral ng mga tsuper at operator dahil pinoproteksyunan lang nila ang kanilang hapag-kainan.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page