ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 2, 2022
Sa unang pagkakataon makaraan ang dalawang taon, ang mga Katoliko sa bansa ay papayagan nang tumanggap ng abong krus na iginuguhit sa noo tanda ng simula ng Kuwaresma tuwing Ash Wednesday.
Pumatak ang Ash Wednesday ngayong araw at ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay kailangang ibalik ang religious practice na ito na ilang taong hindi naisagawa dahil sa pandemya.
Magkagayun man ay nananatili pa ring nasa desisyon ng mga miyembro ng Simbahang-Katolika kung nais nilang magpalagay ng abo sa kani-kanilang noo o hindi dahil nariyan pa rin ang pandemya, ngunit pinapayagan na itong isagawa.
Kung inyong matatandaan, noong 2020 at 2021 ay isinagawa rin ang paggunita sa Ash Wednesday ng Simbahan, ngunit hindi iginuguhit ang abo sa noo, bagkus ay iwiniwisik na lamang ito sa ulo ng mananampalataya.
Kung sakali mang magsagawa ng mga prosisyon ay mariing ipinag-uutos ng CBCP na kailangan ang koordinasyon sa lokal na pamahalaan, lalung-lalo na sa mga opisyal ng barangay upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan at maipatupad nang maayos ang umiiral na public health protocol.
Pinaiiwas din ng CBCP ang mga nais na dumalo sa prusisyon na gumamit ng ‘andas’ o ‘karosa’ na karaniwang binubuhat o hinihila ng mga tao upang maiwasan ang pagkakadikit-dikit at sa halip ay ilagay na lamang sa kahit anong bukas na sasakyan ang mga imahe na nais nilang isama sa prusisyon.
Ang Kuwaresma ay binubuo ng 46-araw hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay o Easter. Ang petsa ng Easter ay tinatantiya depende sa ikot ng buwan, maging ang petsa ng Ash Wednesday ay nagbabago rin taun-taon na karaniwang pumapatak sa pagitan ng Pebrero 4 at Marso 10.
Bukod sa Katoliko ay ginugunita rin ang Ash Wednesday ng ilang denominasyon ng mga Protestante, tulad ng Methodists, Episcopalians, Presbyterians at Lutherans hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo.
Ang tradisyon sa paggunita sa Ash Wednesday ay nagsimula noon pang ikalabing-isang siglo, kung saan ang mga naunang mananampalataya ay nagsusuot ng sakong damit at naglalagay ng abo sa kanilang katawan bilang bahagi ng penitensiya.
Bagama’t hindi nakadetalye ang mismong araw kung kailan nagsimula ang Kuwaresma ay marami ang naniniwalang ang pag-obserba sa pangingilin ay malaking sakprisyo para sa paghingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan ng tao.
Para sa mga Katoliko, ang Ash Wednesday ay paalala na dapat nating gunitain ang papalapit na kamatayan ni Jesus sa pamamagitan nang pagpako sa krus dahil tinubos niya ang sangkatauhan sa kasalanan kaya ang lahat ay naghahanda.
Karaniwan ay nangingilin, nagsasakripisyo at umiiwas sa mga kalayawan at masasarap na bagay bilang paggunita sa sobrang hirap na dinanas ni Jesus hanggang sa siya ay mamatay, ngunit naging dahilan din para mabuhay ang Kristiyanismo sa buong mundo.
Ang Palm Sunday ay ang Linggo bago ang Easter na sumisimbolo sa pagbabalik na Jesus mula Jerusalem makaraan ang 40-araw nang paglalakbay sa disyerto at sa tradisyon ng mga Katoliko ay nagpapabendisyon ng palm leaves o palaspas sa mga simbahan at iniuuwi sa mga tahanan.
Ang mga natitirang palaspas sa Palm Sunday ay sinusunog at itinatabi para sa susunod na Lenten season, kaya ang gagamiting abo ngayon sa mga simbahan ng mga Pari na iguguhit sa mga noo ay ang mga palaspas na ginamit noong Palm Sunday ng 2021.
Ang abo umano ay sumisimbolo sa ating kabuuan o pisikal na pagpapaalala na ang ating katawang lupa ay mabubulok at maaagnas hanggang sa magbalik sa alabok, ngunit mananatiling buhay ang ating mga kaluluwa.
May dalawang araw na talagang inoobliga ang mga Katoliko na magsagawa ng pag-aayuno at pag-iwas sa lahat ng masama, ito ang Ash Wednesday at Good Friday, kung saan ang bawat Biyernes sa panahon ng Kuwaresma ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng karne.
Alam ba ninyo na ang Simbahang-Katolika ay inaatasan ang mga edad 18 hanggang 59 na hangga’t maaari ay magsimba at gunitain ang Ash Wednesday at ang pag-iwas sa pagkain ng karne ay obligado naman umanong tuparin ng may edad 14 pataas.
Dahil sa pag-usbong ng iba’t ibang klase ng pananampalataya hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo ay hindi maiiwasang magkaroon ng hindi pagkakatugma-tugma, ngunit dapat nating panghawakan na lahat ay naniniwala sa ating Panginoong Diyos.
Ngayong araw, ibigay natin ang respeto sa mga nais na gunitain ang Ash Wednesday at kung wala namang mabuting bagay na maiaambag hinggil dito ay malaking tulong ang pananahimik na mabuting panimula sa paggunita ng Kuwaresma.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments