top of page
Search
BULGAR

Tradisyon ng Pasko sa iba't ibang bansa

ni Rikki Mathay @Tips Pa More | December 22, 2022




Maraming dayuhan ang bilib na bilib, habang ang iba naman ay nawiwirduhan sa Pilipinas dahil Setyembre pa lang, simula na ang ating Christmas Season. Pero alam n'yo ba na hindi pa ito ang pinakakakaibang uri ng pagdiriwang ng Kapaskuhan? Halimbawa, ang mga sumusunod na kakaibang pagdiriwang ng iba't ibang bansa:


Japan. Isang tradisyon na nagsimula noong 1974 pagkatapos ng isang kampanya na tinatawag na "Kurisumasu ni wa Kentakkii!", pumipila ang mga pamilyang Hapon sa malaking fast food chain ng mga manok tuwing Pasko! Dahil sa patuloy na popularidad ng tradisyong ito, kumukuha na ng orders ang nasabing restaurant ilang buwan pa lang bago mag-Disyembre.


Ukraine. Ang mga burloloy ng Pasko ay tila pang-Halloween o Undas, dahil pinapalitan ng mga spider webs ang mga Christmas lights sa kanila. Ang alamat sa likod nito ay may mahirap na mag-anak na hindi afford ang mga dekorasyon, kung kaya gumawa na lang sila ng sariling Christmas tree mula sa pine cone. Nagising sila kinabukasan at nakitang natakpan ng mga agiw o cobwebs ang kanilang puno na naging ginto at pilak! Hanggang ngayon, ang mga punong Ukrainiano ay may mga burloloy ng gagamba na tinatawag na 'Pavuchky' at pekeng agiw.


Denmark. Ang “Pasko" ay ipinagdiriwang bilang winter solstice. Ngayon, ang mga tradisyunal na ritwal na mula pa sa kanilang mga sinaunang ninuno na Vikings ay patuloy na nagmamarka sa kanilang Kapaskuhan, kasama na ang paghahanda ng mga tradisyunal nilang pagkaing mula sa kalikasan kabilang ang mga mani at berries.


Norway. Ang tradisyunal na winter solstice ay buhay pa rin dahil ang tradisyon pa rin sa kanila ang pagsambit ng mga winter solstice readings at pagtatakda ng kanilang mga hangarin para sa darating na panahon. Bilang karagdagan, naniniwala sila na ang Bisperas ng Pasko ay nagtutugma sa pagdating ng mga bruha. Ito ang dahilan kung bakit itinatago ng mga nanay sa Norway ang kanilang walis bago matulog, maliban na lang kung nais nilang gumising at makita ang kanilang walis na nasira ng mga umiikot na bruha.


Iceland. Ang mga bata ay may Santa Claus, ngunit meron din silang 13 trolls na umiikot tuwing Bisperas ng Pasko. Ang 13 'Jólasveinar' o Yule lads, at lumilibot sa mga tahanan upang magdala ng mga regalo para sa mababait na bata, habang bulok na patatas naman ang iniiwan ng mga ito para sa mga pasaway na bata!


Austria. Umiikot sa bahay-bahay ang isang karakter na nagngangalang Krampus upang parusahan ang mga batang pasaway ng nakalipas na taon. Si Krampus ay kalahating kambing at kalahating halimaw. Ang kalalakihan ay nagsusuot ng mga costume ng diyablo at nagdadala ng mga basket upang “dukutin” ang mga batang naging pasaway at dadalhin sa impiyerno.


Italya. Ang mga sambahayan ay hindi nag-iiwan ng gatas at biskwit para sa Santa Claus, sa halip ay nag-iiwan ng isang baso ng alak at sausages para sa bruhang nagngangalang La Befana. Ayon sa kuwento, inalok ng Three Wise Men noon si La Befana upang samahan sila sa paghahanap sa sanggol na Jesus. Ngunit dahil busy sa gawaing-bahay ang bruha, ito ay nagpaiwan. Sa sobrang pagsisisi, hindi ito sumama noon sa paghahanap sa baby, hanggang sa araw na ito ay pumupunta si La Befana sa sambahayan sa buong Italya upang hanapin ang sanggol at nag-iiwan na lang ng mga regalo at candy para sa mabubuting bata. Uling, sibuyas at bawang naman ang iniwan niya para sa mga batang pasaway.


Habang ang karamihan sa populasyon ng Pilipinas kung saan nakararami ang mga Kristiyano ay excited tuwing Disyembre dahil ito umano ang pinaka-masayang panahon ng taon dahil sa Pasko, ang panahon ay magsilbing paalala rin sana sa totoong mensahe ng pagkapanganak ni Hesus, ang love. Kailangang paalalahanan natin ang ating sarili na igalang ang ating kapwa, anuman ang kanilang paniniwala at tradisyon.

 

Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page