top of page
Search
BULGAR

Trabaho, sagot sa gutom

by Info @Editorial | Jan. 17, 2025



Editorial

Dumami ang mga pamilyang nagugutom.


Ayon sa Social Weather Stations, 25.9% ng mga pamilya ang nakararanas ng gutom noong Disyembre 2024 mula sa 22.9% noong Setyembre 2024. 


Nangangahulugan ito na sa bawat 1,000 pamilya, 259 ang nakararanas ng gutom noong Disyembre.


Ito umano ang pinakamaraming nagugutom sa bansa mula noong COVID-19 lockdowns ng Setyembre 2020. 


Dagdag pa ng survey firm, limang magkakasunod na quarter na dumadami ang mga nagugutom sa bansa.


Ang gutom ay hindi lamang isang simpleng isyu ng kakulangan sa pagkain. Ito ay isang seryosong problema ng kalusugan, edukasyon, at dignidad ng tao. 


Apektado nito ang buong komunidad — ang mga bata ay hindi nakakapasok sa paaralan dahil sa gutom, ang mga matatanda ay humihina ang katawan, at ang buong pamilya ay napipilitang magsakripisyo upang makatawid sa araw-araw. 


Ang pamahalaan ay may responsibilidad na magbigay ng mga konkretong solusyon. Hindi sapat ang mga pansamantalang solusyon tulad ng pamamahagi ng mga relief goods o cash ayuda. 


Kinakailangan ang pangmatagalang plano para sa produksyon at distribusyon ng pagkain, at mga programang magpapalakas sa lokal na agrikultura at mga kabuhayan ng mahihirap. 


Huwag nating gawing normal ang gutom. Isang masaklap na katotohanan na nakatago sa likod ng mga istatistika na ang gutom ay isang senyales ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipunan. 


Ang pagtutulungan at pagkakaroon ng malasakit sa isa’t isa ang magiging daan upang malampasan natin ang hamong ito.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page