ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 2, 2022
Nitong pandemya, may iba’t ibang kuwento ang buhay ng bawat isa sa mundo. Marami ang nagkasakit at marami rin ang sinawimpalad. Masuwerte man tayong nakaligtas sa sakit na dulot ng COVID-19, hinarap naman natin ang napakaraming hamon sa buhay, tulad ng mawalan ng trabaho at maubos ang kaunting napag-ipunan.
Marami sa ating mga kababayang salat sa buhay ang mas lalo pang dumanas ng hirap at pati mga anak, nahinto sa pag-aaral. Ang pangarap na makatapos, parang unti-unting lumalabo.
Pero panawagan po natin sa mga pamilya na may mga anak na estudyante na nahinto, huwag tayong mawalan ng pag-asa. May mga paraan po para matupad ang pangarap nilang makapagtapos.
Nariyan po ang Expanded SPES Law (RA 10917) at ang JobStart Philippines Act (RA10869) na makatutulong sa ating mga anak na makapagtrabaho nang pansamantala at makalikom ng maaari nilang magamit sa muling pag-aaral. Sa pamamagitan din ng mga batas na ito, mas matututunan ng mga kabataan ang maging produktibo.
Bilang awtor ng mga batas na ‘yan sa Senado, naniniwala tayo na sa panahong ito ng pandemya, malaking tulong ang mga ito sa mga pamilyang lubhang tinamaan ng krisis.
Ang dalawang batas na ‘yan na napagtibay noong 2016 ay naglalayong matulungang makapagtrabaho ang libu-libong out of school youth, gayundin ang mga kabataang walang trabaho upang kumita at makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral.
Sa totoo lang po, taun-taon, libu-libong kabataang Pilipino ang natutulungan ng SPES at JobStart programs. Sa pamamagitan ng mga batas na ito, nagkakaroon sila ng sapat na karanasan sa trabaho na maaari nilang magamit sakaling sila ay makahanap na ng permanenteng hanapbuhay.
Sa loob ng dalawang taon, nakalulungkot na napakalaki ng itinaas ng bilang ng ating OSYs kasabay ng suspensyon ng face-to-face classes dahil sa pandemya. Ang mga kabataan namang may trabaho, naapektuhan dahil marami sa mga negosyo at kumpanya ang nagsara o kaya nama’y nagbago ng paraan ng kanilang operasyon.
Sa kasalukuyan, nasa establisadong sitwasyon ang bansa kaugnay sa usapin ng pandemya. At itong pagkakataong ito ang dapat samantalahin ng ating mga kabataan upang matulungan ng SPES at JobStart.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments