top of page
Search
BULGAR

Trabaho, pagkain, edukasyon at ligtas na pamayanan para sa lahat

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 5, 2023

Nakaisang taon na ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Para sa akin, maganda ang kanyang naging performance so far. Ang importante dito ay maipagpapatuloy ng kasalukuyang administrasyon ang mga magagandang nasimulan nito sa unang taon, at pati na rin ang mga ipinagpatuloy na magagandang programa ng nakaraang administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Sana ay madagdagan pa ang mga ito, partikular ang mga proyekto at programang nakakatulong talaga sa mga mahihirap nating kababayan. Ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan, lalo na ang pangkalusugan.


Sa mga susunod na taon, para sa akin, dapat na mas palakasin ng kasalukuyang administrasyon ang mga pagsisikap na maiangat ang kalagayan sa buhay ng mga Pilipino, gaya ng nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028, ang itinuturing na gabay ng ating bansa tungo sa pag-angat ng ating ekonomiya. Ilapit natin sa mga kababayan natin ang mga serbisyo ng gobyerno lalung-lalo na sa mga mahihirap, mga helpless, hopeless at mga walang malalapitan maliban sa pamahalaan.


Mananatili naman ang aking suporta sa mga prayoridad na panukalang batas ng kasalukuyang administrasyon, lalo na ang may kinalaman sa pagpapalakas ng ating sistemang pangkalusugan.


Sa katunayan, bilang Chair ng Senate Committee on Health, ako at ang mga kapwa ko mambabatas ay ipinasa ang isa sa mga priority measures ng ating Pangulo—ang Senate Bill No. 2212, o ang Regional Specialty Centers Bill—na tayo ang principal sponsor at isa sa mga may-akda.


Naghihintay na lang ito ng kanyang lagda para maging ganap na batas. Ang pagpapatayo ng regional specialty centers ay isa sa health-related legislative agenda na nakapaloob sa PDP 2023-2028.


Bukod dito, titiyakin ko rin ang aking suporta sa mga programa ng administrasyon na tutugon sa pangangailangan ng mga mahihirap na Pilipino at ng iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Ang panawagan ko, hindi lang sa kasalukuyang administrasyon kundi sa lahat ng nasa gobyerno, sana ay palagi nating unahin ang mga pinakanangangailangan na walang malalapitan kundi ang pamahalaan, at siguruhing meron silang mga trabaho at ikabubuhay, kalidad na edukasyon, maasahang serbisyong medikal, ligtas na pamayanan at sapat na pagkain dahil ayaw nating may magugutom lalo na ang mga mahihirap. Importante dito ang laman ng tiyan ng mga kababayan natin.


At para mapagaan ang dalahin ng ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis, makapag-iwan ng ngiti sa kanilang mga labi at makapaghatid ng serbisyo sa iba’t ibang komunidad, tuluy-tuloy tayo sa ating ginagawang paglilibot sa buong bansa basta kaya ng akin panahon at katawan.


Bisyo ko ang magserbisyo.


Noong July 3 ay nasa Tanauan City, Batangas tayo at nagkaloob ng tulong sa 1,379 mahihirap na residente mula sa iba’t ibang bayan sa Batangas, katuwang ang tanggapan ni Congresswoman Maitet Collantes. Bilang adopted son ng CALABARZON, patuloy akong susuporta sa pag-unlad ng inyong rehiyon. Bilang kapwa Batangueño naman, maglilingkod at tutulong ako sa inyo sa abot ng aking makakaya.


Sa araw na iyon, nakarating din tayo sa Bulacan para naman mag-inspeksyon sa Bulakan Super Health Center na napondohan noong 2022. Namahagi rin tayo ng tulong sa 1,000 TODA drivers na taga-Bulakan katuwang si Mayor Vergel Meneses at Vice Mayor Aika Sanchez. Naghatid naman ng tulong ang aking relief team sa 150 mahihirap na residente ng Bocaue.


At dahil kahit weekend ay nagseserbisyo tayo, bumisita tayo sa Davao del Sur noong Sabado, July 1, at inayudahan ang 1,000 mahihirap na residente ng Hagonoy. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center doon kasama si Mayor Jess Dureza, Jr. at nakisaya sa selebrasyon ng Araw ng Hagonoy.


Masaya ko ring ibinabalita na noong June 30 ay nagkaroon na ng groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Brgy. Manicahan, Zamboanga City sa tulong ng Department of Health at sa pamamahala ni Mayor John Dalipe.


Naayudahan din natin ang 819 na mahihirap na residente ng Luna, La Union katuwang si Congressman Paolo Ortega; at 60 sa Ragay, Camarines Sur katuwang naman si Board Member Warren Senar.


Uunahin ko po palagi ang interes ng mga kababayan nating mahihirap at lagi silang tutulungan sa abot ng aking makakaya at sa lubos ng aking kapasidad bilang senador at lingkod bayan. Kahit saang sulok kayo ng Pilipinas, ano man ang kalamidad at sakuna -- bagyo, lindol, may pumutok na bulkan, buhawi, sunog at may pandemya man o wala -- kahit na anong krisis ang dumating sa buhay natin basta kaya po ng aking katawan at panahon, pupuntahan ko po ang aking kapwa Pilipino, lalo na ang mga mahihirap sa lahat.


Huwag kayong magpasalamat sa akin, trabaho namin ‘yan. Ako ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo ako ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo. Patuloy po akong magseserbisyo sa aking kapwa Pilipino, dahil ako po’y naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo po ‘yan sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page