by Info @Editorial | Nov. 25, 2024
Mabigat ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa mga ayudang ipinamimigay ng gobyerno.
Aniya, ang vote buying ngayon ay nakatago umano sa pangalan ng ayuda tulad ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS), Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD)
ng Department of Labor and Employment (DOLE).
May iba na ring nakakapansin na may ilang pulitiko nga na habang namimigay ng ayuda na kung umasta ay para bang sa sarili nilang bulsa ito nanggaling na ang totoo ay mula naman sa kaban ng bayan.
Itinanggi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang akusasyon ni VP Sara.
Ayon sa kalihim, patuloy ang pagproseso ng mga aplikasyon at pamamahagi ng ayuda para sa mga kuwalipikadong benepisyaryo ng nasabing mga programa.
Bagama’t ang ayuda ay isang sagot sa mga pangangailangan ng mamamayan, isang mahalagang usapin na dapat pagtuunan ng pansin — ang trabaho.
Habang patuloy sa pagbibigay ng ayuda, dapat ay tumutok din sa paglikha ng mga oportunidad sa trabaho.
Ang ayuda ay hindi masama, ngunit ito ay dapat ituring lamang bilang pansamantalang hakbang, hindi isang pangmatagalang solusyon.
Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kakayahan ng bawat isa na kumita, magtrabaho, at makapag-ambag sa lipunan.
Kung puro ayuda na lamang, nawawala ang tunay na potensyal ng tao na magtagumpay sa pamamagitan ng sariling pagsisikap.
Hindi sapat na magbigay lamang ng mga ayuda na mabilis nauubos, kailangang lumikha ng mga sektor at industriya ng trabaho na magpapalago sa ekonomiya.
Comentarios