ni Anthony E. Servinio @Sports | May 30, 2024
Laro sa Biyernes – Target Center
8:30 a.m. Dallas vs. Minnesota
Buhay na buhay pa rin ang kampanya ng Minnesota! Ginulat ng bisitang Timberwolves ang namumurong Dallas Mavericks, 105-100, sa Game 4 ng 2024 NBA Western Conference Finals kahapon sa American Airlines Center at maiwasang mawalis sa seryeng best-of-seven.
Sinamahan ni Anthony Edwards ng gawa ang kanyang pananalita at muntikan na magtala ng triple double na 29 puntos, 10 rebound at siyam na assist. Tinulungan siya ni Karl Anthony Towns na may 10 ng kanyang 25 sa huling quarter habang may 14 at 7 assist si Mike Conley.
Nasayang ang triple double ni Luka Doncic na 28 puntos, 15 rebound at 10 assist. Nalimitahan si Kyrie Irving sa 16 puntos lang at malaking bagay din ang pagliban ni sentro Dereck Lively II na nagpapagaling ng tama sa leeg noong Game 3.
Bumanat ng magkasunod na 3-points sina Towns at Edwards upang mahablot ang bentahe, 95-90, at hindi na nila ito binitawan sa nalalabing limang minuto. Tumira ng tres si Doncic bilang huling hirit ng Dallas, 100-103, subalit sinagot ito ng shoot ni Sixth Man of the Year Naz Reid para itakda ang huling iskor na may 11 segundo pa sa orasan.
Uuwi na ang Timberwolves para sa Game 5 sa Biyernes sa Target Center. Nakuha ng Mavs ang Game 1 (108-105) at 2 (109-108) kaya bawal magkamali ang Minnesota at maglaro ng perpekto.
Naghihintay sa magtatagumpay sa West ang Eastern Conference champion Boston Celtics na maagang tinapos ang Indiana Pacers, 4-0. Kahit anong mangyari sa West, ang 2024 NBA Finals ay magsisimula sa Hunyo 7 sa tahanan ng Celtics TD Garden.
Comentários