ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 20, 2020
Dear Doc. Shane,
Namamaga at masakit ang ilalim ng aking kanang tainga na sa palagay ko ay beke ito,
totoo ba na kapag late nagkaroon nito ay posibleng mabaog ang tao? Ako ay edad 25 na pero binata pa. – Ramon
Sagot
Ang beke o mumps ay karamdamang sanhi ng virus na kapag napabayaan ay maaaring maging delikado. Ito ay nakapagdudulot ng lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pagkawala ng gana sa pagkain at pamamaga ng mga glandula.
Kapag lumala ay maaaring magsanhi ng pagkabingi, meningitis (impeksiyon sa utak at sa balot ng gulugod), impeksiyon ng lapay, masakit na pamamaga at pananakit ng obaryo sa kababaihan, at masakit na pamamaga at pananakit ng testikulo at bayag sa kalalakihan—pati na ang bihirang mangyaring pagkabaog.
Ito ay kumakalat o nakahahawa sa pamamagitan ng hangin, subalit maaari rin itong makuha dahil sa pagiging malapit sa mga infected na pasyente.
Paano ito maiiwasan?
Maiiwasan ang beke sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa tigdas, beke, tigdas na Aleman (German measles) at bulutong-tubig. Maaaring ibigay ang bakuna sa mga bata at sa mga taong nasa hustong gulang.
Comments