ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 05, 2020
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa rayuma? Nakararanas kasi ako ng
pagsakit ng tuhod kahit pa 38 years old pa lamang ako. Ano ang mainam kong gawin? – Fely
Sagot
Ang rayuma ay kondisyon ng autoimmune disease o ‘yung pag-atake ng sariling panlaban ng katawan (immune system) sa sariling kalamnan, partikular sa mga joints o kasu-kasuan. Dahil dito ay nagkakaroon ng pamamaga, hirap sa pag-unat at matinding pananakit sa mga kasu-kasuan tulad ng sa mga daliri, kamay at tuhod. Ito rin ay maaaring makaapekto sa mata, puso, dugo at balat. Ito ay higit na nakaaapekto sa kababaihan ng tatlo hangang apat na beses kaysa sa kalalakihan.
Sa ngayon ay wala pang natutukoy na tiyak na sanhi ang pagkakaroon nito. Ngunit, ito ay maaaring dulot ng iba’t ibang salik. Maaaring ito namamana, dulot ng mga kaganapan sa paligid, o hormones na nilalabas ng katawan. Maaaring ito rin ay dulot ng pag-atake ng virus o bakterya na siyang nakaaapekto sa immune system ng katawan upang atakihin ang sariling kalamnan ng mga kasu-kasuan.
Totoo ba na ang rayuma ay sakit lang ng matatanda?
Hindi ito totoo sapagkat ang rayuma ay maaaring makaapekto rin sa mga mas batang indibidwal mula sa edad 25 hanggang 60. Bagama’t mas mataas ang posibilidad na umatake ito sa mga matatanda.
May gamot ba para sa rayuma?
Maraming paraan upang magamot at maibsan ang pananakit at pamamaga ng kasu-kasuan na dulot ng rayuma. Maaaring ito ay sa paraan ng pag-inom ng gamot, tamang pahinga at ehersisyo, at kung minsan ay surgery o operasyon.
Ang mga gamot na nakatutulong na maibsan ang sintomas ng rayuma ay ang mga
sumusunod:
Gamot kontra-pamamaga at kontra-sakit tulad ng aspirin, ibuprofen at naproxen
Gamot na ipinapahid sa bahaging apektado ng rayuma
Gamot na narcotic na pangontra ng pananakit
Ang balanseng pagpapahinga at pag-eehersisyo ay mahalaga. Sa panahon na nagkakaroon ng pamamaga at pananakit, mas mainam na ipahinga ang mga kasu-kasuan. At kung humupa na ang nararamdamang pananakit, mas mabuting mag-ehersisyo upang maiwasan ang paninigas ng kasu-kasuan at mapanatiling malakas ang mga kalamnan.
Comments