top of page
Search

Torcaso, new head coach ng Women's Football Team

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 24, 2023



Itinalaga ng Philippine Football Federation (PFF) si Mark Torcaso bilang bagong Head Coach ang Philippine Women’s Football National Team kahapon. Ang 42-anyos na Australyano ang kasalukuyang Liberty A League Women Coach of the Year ng Western United.


Dinala niya ang bagong-tatag na koponan sa pangalawang puwesto sa kanilang unang sabak sa liga. Kasama sa mga manlalaro ng Western United ang mga Pinay na sina Angela Beard at kapitana Jaclyn Sawicki na parehong beterana ng 2023 FIFA Women’s World Cup.


Haharapin ngayon ng bagong coach at kanyang staff ang hamon na ipagpatuloy ang magandang ipinakita ng Filipinas sa katatapos na World Cup. Lalahok ang pambansang koponan sa 2023 Hangzhou Asian Games sa Setyembre at Paris 2024 Olympics Qualifiers Round Two sa Oktubre.


Papalitan niya ang kanyang kababayang si Alen Stajcic na tinanggap ang alok na maging coach ng Perth Glory sa A League Men. Ayon sa pamunuan ng Western United, si Coach Torcaso pa rin ang coach nila at payag sila na magdoble siya ng tungkulin sa kanila at sa Pilipinas.


Magiging bahagi ng staff ni Coach Torcaso sina Sinisa Cohadzic at Andrew Durante. Si Coach Cohadzic ang gagabay sa Under-17 Filipinas na lalahok sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Qualifiers Round 2 sa Setyembre at pati rin sa Under-20 Team.


Nakatakdang buksan ang kampo ng Filipinas para sa dalawang malaking kompetisyon sa susunod na linggo. Ihahayag ang eksaktong petsa, lugar at listahan ng manlalaro.


Samantala, tinalo ng defending champion Vietnam ang Pilipinas, 1-0, sa 2023 ASEAN Football Federation (AFF) Under-23 Championship sa Rayong, Thailand Martes ng gabi.


Pumangalawa ang Young Azkals sa Grupo C na may isang tabla at isang talo subalit hindi ito sapat upang makapasok sa semifinals na kabibilangan ng Thailand, Malaysia, Vietnam at Indonesia.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page