ni Gerard Peter - @Sports | May 28, 2021
Handa nang makipagsabayan at makipagtagisan ang mga homegrown talents ng tatlo sa siyam na koponan para sa karapatang maangkin ang kauna-unahang titulo ng Mindanao division ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup na inuurong ang pagbubukas simula sa Hunyo.
Wala pa mang pormal na napipiling lugar para pagdausan ng Mindanao leg matapos umatras ang Dipolog City na maging host ng kauna-unahang professional league sa katimugan dahil sa tumataas na kaso ng mapaminsalang coronavirus disease (Covid-19) sa Zamboanga del Norte, inihayag ni Chief Operating Officer ng Vis-Min na si Rocky Chan na namimili na lang sa dalawang Local Government Unit (LGUs) kung saan idaraos ang mga laro sa Mindanao.
“I hope to get a word from the LGUs that we are in talks, hopefully today, but in the week will be finalizing. Actually, may isa ng nag-commit na LGU who’s willing to host the Mindanao leg, but for now I cannot divulge until we finalize kase I don’t want to pre-empt the negotiations namin,” pahayag ni Chan, Huwebes ng umaga sa weekly TOPS: Usapang Sports webcast sa Sports on Air. “We’re choosing two LGUs na lang po, medyo may pinaplantsa lang po tayo, but rest assured na within a week malalaman na natin kung sino ang official host for the Mindanao leg,” dagdag ni Chan sa programamg suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement Board (GAB) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Gayunpaman, napabanggit ni City Sports Director at team manager ng Iligan City na si Amador Baller, na pinagpipilian na lamang ang Mindanao Civic Center sa Lanao del Norte at isang sports complex sa Pagadian City.
“Puro bata at walang mga pro yung team namin. Yung iba MPBL lang galing, mga varsity player ng Cebu, pero native ng Iligan. Though we’re planning to get additional players from Luzon, kase ang daming ex-pro ng ibang teams,” eksplika ni Baller. “Malaking tulong na we’re invited sa league para makatulong na ma-promote sa mga kabataan, mostly mga bata ang kinuha para ma-develop at mabigyan ng chance na matupad ang mga pangarap nila.”
Commentaires