ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 23, 2023
Noong taong 2020 nagpalabas ng Department Order No. 2020-012 ang Department of Transportation (DOTr) na kailangan nang ipatupad ang cashless payment systems sa mga expressway ngunit nakiusap ang mga motorista na saglit iantala at humingi ng karagdagang panahon.
Ang nais lang naman ng DOTr noong taong 2020 ay maiwasan na magkaroon ng physical contact sa pagitan ng motorista at teller dahil sa kasagsagan ito ng pandemya at matiyak din na maging mas mabilis ang daloy ng trapiko.
Ngunit, napakarami ng kumontra dahil nang mga panahong iyon ay kani-kanya pa ang operasyon ng radio-frequency identification (RFID) ng dalawang toll operators at kailangang magkaisa muna umano upang isang RFID na lamang ang gamit.
Kailangan nga namang maging compatible pansamantala ang operasyon ng Easytrip at Autosweep sa isa’t isa kung pagdating sa tollway system ang pag-uusapan at tila may pagkakasundo na panahon na upang pag-isahin ang kanilang sistema.
Ngayon heto na, ipatutupad na ang dalawang buwan na dry run para sa cashless toll collections sa mga piling toll plaza na magsisimula umano sa Setyembre 1 ng taong kasalukuyan, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).
Ang TRB na attached agency ng DOTr ay nagpahayag na ang dry run ay isang ‘necessary procedure’ upang matiyak ang kahandaan ng mga tollway concessionaires at operators ng expressways para sa maayos at pulidong pagpapatupad ng naturang programa.
Base sa plano ng TRB, ang unang batch ng mga kuwalipikadong toll plaza ang unang sasalang sa dry run, at iba pang kuwalipikadong toll plaza ay unti-unting isasali habang nagsisimula na ang dry run hanggang sa lahat ay sabay-sabay nang gumagana.
Kaya makabubuting bago pa man magsimula ang naturang dry run ay dapat na lahat ng nagbabayad ng cash sa tollway ay magpakabit na ng RFID, tutal libre naman ito at kailangan lamang ay lagyan ng load para gumana at hindi na maabala sa tollgate.
Sa mga kasalukuyan nang mayroong RFID sticker sa kani-kanilang sasakyan ay kailangang ipa-check kung kailangan nang palitan at makipag-ugnayan kung puwede na bang gamitin ang Autosweep sa Easytrip o kabilaan.
Naalala ko pa noong unang ipinatupad ang RFID, dumagsa ang reklamo hinggil sa napakaraming palpak sa sistema ng electronic toll collection (ETC) kaya naobliga ang DOTr na maglabas ng addendum noong Enero 2021 na payagang dumaan sa toll gate ang mga sasakyang walang RFID at maglagay na lamang ng cash lanes.
Pero sa pagpasok ng susunod na buwan, kailangang maghanda na ng mga motorista, partikular ang mga dumaraan sa mga expressway dahil tuluyan nang tatanggalin ang cash lanes at tanging ang mga may RFID na lamang ang padaraanin ng tagapamahala ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC).
Aalisin na rin umano ang mga toll booths at aalisin na ang mga barrier o harang na pumipigil sa mga dumaraang sasakyan. Magiging tuluy-tuloy na lamang ang mga sasakyan tulad sa ibang bansa na awtomatiko na nababawasan ang load.
Pamamahalaan ng MPTC ang ilang vital expressway tulad ng North Luzon Expressway, ang Subic-Clark Tarlac Expressway, NLEX Connector Road, Manila-Cavite Expressway, Cavite-Laguna Expressway at ang Cebu-Cordova Link Expressway sa Cebu.
Sa ngayon, tinatayang nasa 75% ng motorista ang gumagamit na ng RFID para makatawid sa toll gate at inaasahan ng MPTC na ang isasagawang transition upang maging ganap na cashless na ang lahat ng tollway sa bansa ay bago matapos ang taong 2024.
Bawat sasakyang mauubusan o hindi na sasapat ang kanilang balanse sa kanilang RFID ay maayos din namang makakaraan ng walang abala ngunit naka-monitor at awtomatikong babasahin ang bawat plate number at sa oras na magparehistro sila ng sasakyan ay idadagdag ito sa kanilang bayarin.
Samantala, ang San Miguel Corp. ay mag-aalis na rin ng cash lanes kung maaprubahan na ng mga regulators at pamamahalaan naman nila ang South Luzon Expressway, Skyway, NAIA Expressway, Star Tollway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway at ang Muntinlupa-Cavite Expressway.
Napakaganda ng malaking pagbabagong ito sa ating mga expressway kaya sana ay makipagtulungan ang bawat isa para mapagaan ang inaasahan nating modernong pagbabago dahil maraming bansa na ang gumagamit ng ganitong sistema.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments