top of page
Search
BULGAR

Todo-tiwalang proteksiyon vs. dengue kaya pinabakunahan... 15-ANYOS, NAKARANAS NG PANANAKIT NG ULO

AT PABALIK-BALIK NA LAGNAT SAKA NA-COMATOSE AT NAMATAY SA DENGVAXIA


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 17, 2021



Lingid sa kaalaman ng mga magulang na isa palang “clinical trial phase 3” ang nagaganap hanggang Nobyembre 2017. Isang pangyayari na nagdulot ng trahedya sa buhay nila at kamatayan ng mga biktima na hanggang ngayon ay dumadaing at humihingi ng katarungan mula sa kanilang mapanglaw na hukay. Nakabilang ang humigit-kumulang 830,000 kabataan na walang alam sa kanilang magiging kapalaran na matinding paghihirap at sakit ng katawan.


May kung ano’ng puwersa ang pangarap na kayang magbigay ng tapang at lakas ng loob sa isang tao upang maabot ang kanyang hangarin, siya man ay nasa gitna ng maraming pagsubok sa buhay. Ngunit may mga pagkakataon na ang pag-abot sa pangarap ay isinasantabi upang maituon ang panahon at atensiyon sa mga mahal sa buhay. Sa edad na 15 ay ganap nang naunawaan ni Mary Rose Ibadlit ang kahalagahan ng pagsasakripisyo para sa kanyang pamilya. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Eric at Gng. Mary Jane Ibadlit ng Quezon City,


“Ang aming anak ay masayahin, masigla at malusog na bata. Mahilig siyang kumanta at may mataas na pangarap sa buhay. Maganda ang boses ng nag-iisa naming anak na babae. Sa katunayan ay pangarap din niyang maging artista at sumali sa “Pinoy Big Brother”, isang sikat na programa sa telebisyon. Kaya lang, siya ang inaasahan naming tumulong sa mga gawaing bahay at pag-aalaga sa bunso niyang kapatid.”


Gayunman, bagama’t may pag-asa pang maabot niya ang kanyang mithiin sa buhay, may trahedyang naganap bago siya nagkaroon ng pagkakataon. Si Mary Rose ay binawian ng buhay noong Agosto 10, 2018. Siya ang ika-81 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay isang beses naturukan ng Dengvaxia sa barangay health center sa Quezon City noong Setyembre 15, 2017. Sabi nina G. at Gng. Ibadlit, si Mary Rose ay hindi pa naospital, bukod lamang noong siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw. Ayon pa sa mag-asawa, matapos maturukan si Mary Rose ay biglang nagbago ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Noong Abril 2018, nag-umpisang sumakit ang kanyang ulo at nawawala naman ito sa tuwing umiinom siya ng gamot. Naging pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo noong Mayo, Hunyo, Hulyo at Agosto 2018. Narito ang ilan sa mga detalye hinggil sa naging karamdaman ni Mary Rose noong Hulyo at Agosto 2018 bago siya binawian ng buhay noong Agosto 10, 2018:


  • Hulyo - Siya ay may lagnat, sipon at pasa sa kamay.

  • Agosto 9 - Alas-10:30 ng umaga, pumunta ang mga kaklase ni Mary Rose sa kanilang bahay at sinabi sa kanyang mga magulang na nakaranas siya ng matinding pananakit ng ulo at nawalan ng paningin matapos siyang kumuha ng pagsusulit. Dahil dito, nagtungo si Mang Eric sa eskuwelahan ni Mary Rose upang alamin ang kalagayan nito. Ani Mang Eric, “Ako ay nagtungo sa klinika kung saan siya dinala at nakita kong tulog at naghihilik si Mary Rose. Hindi pangkaraniwan sa amin ang paghihilik niya sa araw na ‘yun dahil hindi naman siya naghihilik tuwing siya ay tulog.”

Nabahala si Mang Eric sa kalagayan ni Mary Rose kaya dinala niya ito sa isang ospital sa Quezon City. Aniya, “Siya ay pilit kong ginigising habang lulan kami ng tricycle papuntang ospital, subalit hindi na siya magising at naghihilik na lamang siya.” Pagdating sa ospital, sinabihan ng doktor si Mang Eric na kailangang i-intubate si Mary Rose. Ayon pa kay Mang Eric, “Dahil sa pagkatuliro, hindi ako agad nakapagdesisyon hinggil sa pag-intubate sa kanya, pero in-intubate pa rin siya ng mga doktor.” Si Mary Rose ay agad ding isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at pagkatapos makuha ang inisyal na resulta ng mga ito ay sinabihan ng mga doktor ang kanyang mga magulang na siya ay comatose na dahil sa brain hemorrhage. Kinagabihan, tinapat ng mga doktor ang mag-asawa na wala nang pag-asa para maisalba pa ang buhay ni Mary Rose. Kritikal na ang kalagayan ng kalusugan ni Mary Rose sa magdamag.

  • Agosto 10 - Muling sinabi kina Mang Eric at Aling Mary Jane ng mga doktor na wala nang pag-asang maisalba ang buhay ng kanilang anak at tanging mga gamot at aparato na lamang ang bumubuhay sa kanya. Pagsapit ng alas-12:50 ng hapon ay tuluyan nang pumanaw si Mary Rose. Narito ang bahagi ng Salaysay nila Mang Eric at Aling Mary Jane sa pagkamatay ng kanilang anak,

“Napaniwala nila kaming ang bakunang itinurok nila sa aming anak ay makabubuti sa kanya at ipagpasalamat pa namin dahil libre itong ibibigay sa kanya. Subalit hindi pala dahil ito ang kikitil sa kanyang buhay dahil ito lamang ang kakaibang gamot na naiturok sa kanya. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna kontra dengue sa kalusugan ng aming anak.”


Ayon pa kay Aling Mary Jane, “Ang tanging sinabi lang sa akin bago siya turukan at ilagay ang pangalan niya sa logbook ng health center ay kapag kinagat ng lamok na may dalang dengue si Mary Rose ay protektado na siya at habang ito ay libre ay dapat na siyang mabakunahan dahil mahal daw ito kapag binili.”


Ang kaso ni Mary Rose ay maaaring ibilang sa mga kaso ng mga katulad niyang biktima na hindi lamang ang pagsisikap sa pagtupad ng mga pangarap ang natuldukan kundi ang pagpapatuloy ng kanilang mga buhay. Ang mga kaso nila na inilapit sa PAO, sa inyong lingkod at PAO Forensic Team ay may pagkakataon din na tila may nais tumuldok sa aming laban para sa kanila upang makamit ang katarungan. Gayunman, hindi nila kami mapipigilan — tuloy ang laban hanggang sa Kataas-Taasang Hukuman kung kinakailangan.


0 comments

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page