ni Melba R. Llanera @Insider | August 11, 2023
Isang thank you ang mensaheng ipinadala sa amin ni Luis Manzano nang i-message namin siya dahil inabsuwelto ng National Bureau of Investigation o NBI ang pangalan niya sa kasong syndicated estafa laban sa presidente at pamunuan ng Flex Fuel.
Sinampahan ng NBI sa Taguig Prosecutor’s Office ang presidente ng kumpanya na si Ildefonso C. Medel, Jr. o kilala sa tawag na “Bong” na itinuring na matalik na kaibigan ni Luis at labing-isa pang opisyal ng Flex Fuel.
Ayon sa NBI, hindi nila kinakitaan na may kinalaman sa kaso si Luis kahit isa siya sa mga incorporators dahil nag-resign na ito at hindi na konektado sa kumpanya nu’ng 2021 — ang taon kung kailan nagsimulang mag-invest ang mga nagreklamo.
Nagsampa na rin ng reklamo si Luis laban sa Flex Fuel dahil pati siya ay nawalan ng P66 milyong investment.
Kung matatandaan ay naging emosyonal at ‘di napigilan ni Vilma Santos na mapaiyak sa guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda nang tanungin tungkol sa isyu at sinabing kailanman ay hindi magagawang manloko ni Luis ng ibang tao.
Sa pagpapalitan nga namin ng mensahe kahapon ng Star for All Seasons, nagpadala ito ng pasasalamat, na mabuti talaga ang Panginoon at kilala niya ang anak.
Si Edu Manzano naman sa panayam namin noon ay positibo na malalagpasan ng anak ang pinagdaraanan dahil alam niya kung gaano katatag si Luis at kumpiyansa siya na haharapin nito ang problema.
Tiyak na mas masaya at mas payapa ang damdamin sa ngayon nina Luis at Jessy Mendiola at mas mae-enjoy nila ang anak na si Baby Peanut ngayong nalinis na ang pangalan ng TV host sa kaso.
Comments